11/01/2026
Mariing nananawagan ang BAYAN Hong Kong Macau at Migrante - Hong Kong para sa ligtas at agarang pagpapalaya kay Chantal Anicoche, na kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kinokondena natin ang aerial bombing at strafing ng AFP sa mga komunidad sa Abra de Ilog noong Enero 1 na pumatay sa mga inosenteng sibilyan - tatlong bata at dalawang estudyante. Nagdulot ito ng sapilitang paglikas ng mga residente ng Barangay Cabacao. Dito rin nagsimulang mawala si Chantal hanggang sa mapuwersa ang AFP na ilitaw siya kahapon.
Dahil sa maingay na kampanya ng pagpapalitaw kay Chantal, napresyur ang AFP na ilitaw si Chantal. Subalit alam natin na hangga't nasa ilalim ng kustodiya ng AFP si Chantal, nananatili siya sa bingit ng panganib. Walang dahilan ang AFP na panatilihin siya sa kanilang kustodiya.
Tiyak na sasamantalahin ng gobyernong Marcos Jr. ang bawat pagkakataon upang manipulahin ang naratibo sa publiko upang pahinain ang ating mga pagsisikap at pagmamalasakit at bigyang-katwiran ang kawalang-pananagutan sa kanilang mga krimen.
Hindi totoong proteksyon sa mamamayan ng Mindoro ang pakay ng gobyerno at militar. Sa simula pa lang ay minilitarisado na ang komunidad ng mga Mangyan sa Abra de Ilog. Target ang Mindoro ng mga mapandambong na proyekto sa pagmimina, enerhiya, at ekoturismo na nangangamkam ng lupa ng mamamayan at sumisira sa kalikasan para sa kapakinabangan ng mga dayuhang multinasyunal na korporasyon at ng mga lokal na naghaharing uri para sa sariling tubo.
Nanawagan tayo sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa at sa ating mga kaibigang nakikiisa na ipagpatuloy ang laban para sa ligtas at agarang pagpapalaya kay Chantal. Igiit ang katarungan para sa mga naapektuhan ng pambobomba—sina Jerlyn Doydora at ang katutubong komunidad ng mga Mangyan sa Mindoro Occidental—lalo na’t patuloy na itinatanggi ng AFP ang pagpaslang sa mga batang Mangyan.
Stop the bombings, defend Mindoro!
!
Release Chantal Anicoche!
Justice for Jerlyn Doydora!
Stop the bombings! Stop the killings! Stop the attacks!
End U.S.-backed violations of human rights and international humanitarian law in the Philippines!
End de facto martial law in Mindoro!