27/09/2024
" Aking Anak"
Darating ang panahon at pagkakataon na kwento nalang ako
Katawan ko'y babalik sa alabok at parang bulang maglalaho
Hindi ko alam kung hanggang kailan ang aking magiging wakas
Kung ilang araw, buwan, taon o sa mga darating nang bukas.
Hindi ko mapipigil ang pagdating ng aking takdang kamatayan
Gustohin ko mang tumagal pero 'di ko hawak ang tadhana't kapalaran
Masakit man isiping ang buhay ay may dulo at hangganan
At iwan ang mundo sa pinaka masakit na bahagi ng paglisan.
Darating ang tagpong dudungawin nalang ako sa ilalim ng salamin
Patawad kung hindi ko na magawang ang mga luha mo'y pahirin
At sa mga kalungkutang hindi ko na kita magawang damayan pa
Tibayan mo sana at matuto kang tumayo sa sariling mga paa.
Batid ko ang sakit sa mga yugto na hindi mo na ako masisilayan
Subalit ang mabalot ka ng lungkot ay h'wag mo sanang hahayaan
Lagi mong tatandaan na nariyan lang ang Diyos na masasandalan
Lumapit ka sa Kan'ya kapag hindi mo na kaya ang bigat na pinapasan.
Hindi ko man mapunan na ng saya ang lungkot sa iyong damdamin
Ang payo ko'y gawin mong sandatang lagi ang pananalangin
Upang mapanatag ang aking loob lumisan man ako sa mundo
Hanggang sa hinaharap na buhay sana'y magkita-kita muli tayo.