04/09/2025
[Pahayag]
ANG DAGDAG NA BAYARIN PARA SA “EXPEDITE FEE” AY ISANG PANGGAGANTSO NG PE-BKK SA MGA PILIPINO SA THAILAND!
Kinukundena ng Himigrante-TH ang patuloy na paniningil ng Philippine Embassy - Bangkok (PE-BKK) ng “expedite fee” sa mga serbisyong ibinibigay nito. Ito ay sa kabila ng mariing pagtutol ng ating mga kababayan at paghahain natin ng petisyon at signature campaign kasama ang iba pang mga organisasyon upang itigil ang pagpapatupad nito.
Ang expedite fee ay dagdag na bayarin para mapabilis daw ang serbisyong kanilang ginagawa tungkol sa pagproseso ng mga dokumento. Matatapos daw agad ang proseso at makukuha sa isang araw lang ang mga dokumentong pinapagawa kung may expedite fee at kung hindi ay aabot ito ng dalawang araw bago makuha.
Subalit, ang dating pagproseso at pagrelease ng dokumento sa isang araw ay dati nang nagagawa ng walang dagdag na bayad. Wala namang nabago o nadagdag sa serbisyo na dati na nilang ginagawa, pero bakit tatagal na ngayon ng dalawang araw kung hindi tayo magbabayad ng expedite fee? Ano ito holdap na sapilitan tayong pagbabayarin ng PE-BKK at kung hindi ay pagdudusahan natin ng dalawang araw o higit pa na paghihintay?
Ang ฿370 na expedite fee na idinagdag sa dating ฿925 na bayarin ay mabigat para sa mga karaniwang migranteng Pinoy, lalo na ang mga galing sa mga probinsya sa Thailand na gagastos pa sa pamasahe at lodging sa Bangkok para hintayin ang pagrelease ng mga pinapagawang dokumento.
Ito ay malinaw na panggagantso at panloloko. Biglaan itong ipinatupad na walang ginawang konsultasyon at walang malinaw na pagpapaliwanag ang PE-BKK kung bakit dinagdagan pa ng “expedite fee” ang serbisyong dati na nilang ginagawa.
Ang Himigrante ay patuloy na makikiisa sa mga Pilipino sa Thailand upang tutulan at ipatigil ang pabigat na dagdag bayaring ito! Hindi natin hahayaang magpatuloy ang panggagantsong ito ng PE-BKK!
!
!
September 04, 2025