09/11/2025
CFO, muling makikipag-ugnayan sa mga Pilipinong imigrante sa Japan
Iniimbitahan ng Komisyon sa Mga Filipino sa Ibayong Dagat (Commission on Filipinos Overseas- CFO), sa pakikipagtulungan sa Pasuguan (Embahada) ng Pilipinas sa Tokyo at ating mga Konsulado sa Nagoya at Osaka, ang ating mga kababayang Pilipino sa Japan na makiisa sa 2025 CFO Ugnayan Series sa mga sumusunod na lugar:
📍 Nagoya – Nobyembre 10, 2025
📍 Tokyo – Nobyembre 21, 2025
📍 Osaka – Disyembre 2, 2025
Ang Ugnayan ay isang serye ng mga pagtitipon at konsultasyon kasama ang mga lider ng komunidad at organisasyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo upang palakasin ang ugnayan at pakikipagtulungan para sa pakikipag-ugnayan sa mga Overseas Filipinos. Layunin nitong ipakilala ang mga programa at serbisyo ng CFO, itaguyod ang pinansyal na kalayaan ng mga overseas Filipinos, at palawakin ang mga support network.
Magkakaroon din ng mobile registration para sa mga Pilipinong nabigyan ng long-term o permanent residency status habang nasa Japan. Isang mahalagang hakbang na kailangang gawin ng isang imigrante ay ang pag-rehistro sa Komisyon at pag kuha ng digital certificate.
Mayroon ding financial literacy sessions, at libreng konsultasyong legal (Tokyo at Osaka).
Magsasagawa rin ang CFO team ng home visits at focus group discussions upang mas maunawaan ang mga karanasan, pangangailangan, at hamon ng mga Pilipinong imigrante at marriage migrants sa Japan. Layunin nitong suriin ang kanilang kalagayan at pag-aangkop sa komunidad, mangalap ng kaalaman tungkol sa buhay-pamilya at pamumuhay sa Japan, at tukuyin ang mga paraan upang mapabuti ang mga programang suporta at mapaigting ang ugnayan sa mga lokal na katuwang.
Ang programang ito ay alinsunod sa mandato at dedikasyon ng Komisyon na palakasin ang ugnayan sa mga komunidad ng Pilipino sa ibang bansa at maghatid ng mga programang makatao at tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino para sa kanilang kapakanan at patuloy na pag-unlad.
Para makibahagi at mag-rehistro sa alinman sa mga Ugnayan events, mangyaring i- click ang link https://forms.gle/KMKzVWGL2Zc9kt5x5 or i-scan ang qr code sa larawan.