20/07/2025
KAPITAN SA CLAVERIA, PATAY; SIYAM NA KASAMA, SUGATAN MATAPOS MAAKSIDENTE SA ALCALA, CAGAYAN
Idineklarang dead-on-arrival ng umasikasong duktor ang isang barangay captain habang sugatan ang siyam nitong kasamahan matapos maaksidente sa Barangay Pared, Alcala, Cagayan kaninang madaling araw, Hulyo 18, 2025.
Kinilala ang namatay na kapitan na si Jesus Calatican, 54-anyos ng Brgy. Lablabig, Claveria habang ang mga sugatan ay sina China Rubio 57-anyos, Andres Rubio, 52-anyos; Rosalie Udac, 65-anyos; Princess Udac, 26-anyos pawang residente ng Brgy. Lablabig; Edimar Pascua, 49-anyos; Benelyn Martinez, 44-anyos; Pedro Cabangin, 65-anyos at dalawang menor-de-edad na pawang residente naman ng Brgy. Kilkiling.
Ayon kay Herome Ibarra, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Alcala, papuntang Isabela ang mga biktima mula sa bayan ng Claveria nang mangyari ang insidente lulan ng sasakyan ng barangay.
Aniya, nang makarating ang mga biktima sa pakurbang bahagi ng daan sa Brgy. Pared ay dumiretso ito na sanhi nang pagkahulog ng sasakyan na minamaneho mismo ng kapitan.
Sinabi ni Herome na hindi nakainom ang driver nang magyari ang insidente pero posibleng hindi umano nito kabisado ang daan na dahilan ng aksidente.
Agad namang rumesponde ang mga kawani ng MDRRMO at kapulisan pero naipit ang driver at nagtamo ng malubhang sugat na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa ngayon, nasa mabuti nang kalagayan ang ibang sugatan habang ang ibang biktima ay inilipat sa Lungsod ng Tuguegarao para sa agarang medikal na atensyon. # # #