
03/08/2025
Ang Paglalakbay ni San Agustin (Ang Kagandahan ng Diyos)
Kiko- isang curious na kabataan.
Ate Mara - catechist.
Mang Lito - matandang lay minister.
Kiko:
Ate Mara, Mang Lito… nabanggit po kanina ni Father sa homily si San Agustin. Sabi niya dati raw itong masama pero naging banal. Paano po nangyari 'yon? Parang ang ganda naman ng kwento niya, pero medyo malalim.
Mang Lito:
Ay naku, Kiko. Tama ka dyan. Ang kwento ni San Agustin? Huwag mong isiping simple lang 'yan. Isa 'yan sa mga pinakamasalimuot pero napakagandang kwento ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang ganda ng puso niya, pero noong una, hindi pa niya alam kung saan niya ito ibibigay.
Ate Mara:
Oo, parang mahilig siyang umibig sa magaganda, pero noong una, mali yung mga bagay na iniibig niya. Mahilig siya sa matatalinong usapan, sa mga magagandang salita, sa sining, sa pilosopiya. Pero kulang. Parang may hinahanap siya na mas malalim.
Kiko:
So parang… in love siya sa “aesthetics”? Ganda lang? Parang panlabas?
Ate Mara:
Yes! Pero hindi lang basta mababaw na kagandanhan. Gusto niyang maabot ang TUNAY na KAGANDAHAN — yung hindi kumukupas. Noong una, napunta siya sa maling direksyon. Sumali siya sa grupong Manichee na nagtuturo ng halo-halong aral na taliwas sa pananampalataya. Akala niya doon niya mahahanap ang katotohanan.
Mang Lito:
Pero alam mo Kiko, kahit nagkamali siya, hindi siya tumigil maghanap. Mahilig siya magtanong. Para sa kanya, ang makita — ang pagtanaw — ay mahalaga.
Gusto niyang makita ang TOTOO, ang Mabuti, ang MAGANDA. At kalaunan, napagtanto niya… ang Diyos mismo ang Pinakamagandang Minamahal.
Kiko:
Parang naiimagine ko na… parang gusto niyang makita ang Diyos hindi lang sa isip, kundi sa puso?
Ate Mara:
Tama. Kaya nga ang ginamit niyang language sa kanyang mga sinulat ay halos puro pang-ibig at paghanga. Yung “eros” na sinasabi ng mga Greek — hindi lang pagnanasa, kundi matinding paghahangad. Para bang sinasabi ni Agustin sa Diyos: “Ipinakita mo ang Iyong sarili sa naglalagablab kong puso .”
Mang Lito:
Nung bata pa siya, may mga babae siya, may anak pa nga siya sa labas, pero unti-unti, habang lumalalim ang pagkaunawa niya, narealize niya — ang pagnanasa na nasa loob niya ay hindi lang para sa babae o sa karunungan, kundi para sa Diyos mismo.
Kiko:
Eh paano niya nahanap si Lord? May nangyari bang bigla?
Ate Mara:
Hindi bigla. Pero may mga taong ginamit si Lord para buksan ang puso’t isipan niya. Isa na dun si Bishop Ambrosio. Yung mga sermon nito sa Milan ay tumagos sa puso niya. Tapos may isa pang pari — si Simplicianus — na pamilyar sa pilosopiya ni Plato at kay Plotinus. Kaya sabay niyang nakita yung pilosopikal na porma at yung Kristiyanong kaalaman.
Mang Lito:
Galing no? Parang pinagsama ang anyo ng talino at ang nilalaman ng pananampalataya. Nung panahon na 'yon, hindi pa masyadong klaro kay Agustin kung saan siya tutungo — pilosopiya ba o relihiyon? Pero sa dulo, nakita niya: pareho pala silang nagdadala sa isang direksyon — sa Diyos, na siyang Katotohanan at Kagandahan mismo.
Kiko:
Wow. Pero parang ang dami niyang sinulat. Hindi ba siya naligaw?
Ate Mara:
Hindi naman naligaw, pero paikot-ikot siya noong una. Kasi yung kanyang sinulat tulad ng De Vera Religione ("Tungkol sa Tunay na Relihiyon") ay parang diary ng kanyang isip at puso. Hindi sistematikong teolohiya, pero puno ng tanong: “Naunawaan mo ba talaga ang pinaniniwalaan mo?” Gusto niyang gamitin ang talino niya hindi para palitan ang pananampalataya, kundi para mas mahalin ito nang totoo.
Mang Lito:
Tingnan mo yung De Libero Arbitrio — tungkol sa kalayaan ng tao. At yung De Musica — hindi lang tungkol sa musika kundi sa kaayusan at harmony. Kasi para sa kanya, ang kagandahan ng Diyos ay makikita pati sa pagkakaayos ng mga bagay.
Kiko:
So para kay San Agustin, ang tunay na pananampalataya ay hindi lang basta “maniniwala” ka, kundi “makikita” mo?
Ate Mara:
Yes! Pero hindi basta-basta nakikita ang Diyos gamit ang mata lang. Ang MATA NG PUSO — yun ang dapat buksan. Hindi mo pwedeng pilitin ang Diyos na magpakita. Siya lang ang magpapakita kung kailan ka handa. Ang role natin ay maghintay, magdasal, maglinis ng puso.
Mang Lito:
Tama. Kaya kahit noong naging obispo na siya, abala sa simbahan, sa mga debate laban sa heresiya, hindi pa rin nawala sa kanya yung pagkahumaling sa Diyos. Lagi siyang nauuhaw sa presensya ng Diyos. Parang sinasabi niya: "O Diyos, pinukaw Mo ako at wala akong kapayapaan hangga’t di Kita ganap na makita.”
Kiko:
Grabe. Parang love story.
Ate Mara:
Totoo. Ang buhay ni San Agustin ay isang love story ng kaluluwa at ng Diyos. Hindi ito agad-agad. Daan ito ng pag-unawa, paghahanap, pagkadapa, at pagtayo. At sa dulo, nakita niya na ang pinakamataas na kagandahan ay hindi nasa mundo — kundi sa Diyos.
Mang Lito:
Kaya nga, anak… sa panahong ito na marami tayong hinahangaan — mga tao, teknolohiya, kagandahan sa social media — huwag nating kalimutan: ang tunay at pinakamalalim na ganda ay nasa Diyos. Yun ang natutunan ni San Agustin, at yun din ang paanyaya sa atin.
Kiko:
Salamat po, Ate Mara, Mang Lito. Parang… mas naiintindihan ko na kung bakit kailangan hanapin si Lord — kasi Siya pala ang PINAKAMAGANDA na matagal ko nang hinahanap.