28/02/2026
Isa ako sa bumoto at naniwala sa’yo noon habang ikaw ay nakaupo pa bilang Pangulo ng ating mahal na bayan. Buo ang tiwala ko sa iyong kakayahan at sa iyong layunin na magdala ng pagbabago sa ating bansa. Hindi man naging madali ang lahat, nanindigan ka sa kung ano ang pinaniniwalaan mong tama para sa kapakanan ng nakararami.
Marami ang nagalit at kumontra sa mga naging hakbang mo. Marami ang pumuna at tumutok sa mga pagkukulang, sa mga maling nasabi, at sa mga kontrobersiyang kinaharap ng iyong administrasyon. Totoo na hindi naging perpekto ang lahat ng nangyari , walang lider na naging perpekto. Ngunit para sa akin, hindi lamang dapat sa pagkakamali tumingin, kundi pati sa mga nagawang mabuti para sa bayan.
May mga taong hindi sumang-ayon sa iyong mga desisyon. May mga nagsabing sobra, may mga nagsabing mali. Ngunit hindi rin maikakaila na sa panahon ng iyong panunungkulan, marami ang nakaramdam ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at mas malinaw na paninindigan laban sa kriminalidad. Marami ang nagsabing nakaranas sila ng mas maayos na kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga komunidad.
Alam kong hindi lahat ay pabor sa iyo at pabor sa mga sinasabi ko at karapatan ng bawat isa ang magpahayag ng kanilang opinyon. Ngunit bilang isa sa mga naniwala at patuloy na naniniwala, para sa akin ang iyong layunin ay para sa bayan para sa kaligtasan, kaayusan, at kapakanan ng mas nakararami.
Maaaring iba-iba tayo ng pananaw, ngunit hindi maitatanggi na ang iyong pamumuno ay nag-iwan ng malaking marka sa kasaysayan ng ating bansa.
Sa mga ilan kong Facebook friends na galit na galit at laging nagpo-post na “mga sira ulo” at “mga bobo” ang mga sumuporta kay Duterte hindi ko alam kung saan nanggagaling ang galit ninyo, pero sana matutunan din nating igalang ang paniniwala ng iba.
Hindi ako sira ulo. Hindi ako bobo. Isa akong mamamayang bumoto ayon sa aking konsensya at paniniwala kung ano ang makabubuti sa bansa noong panahong iyon. May sarili akong pag-iisip at hindi ko kailangang maliitin ang iba para lang ipagtanggol ang aking paninindigan.
Magkaiba man tayo ng pananaw, hindi ibig sabihin na tama nang mang-insulto. Ang tunay na talino ay marunong rumespeto kahit hindi sang-ayon. Ang tunay na demokrasya ay nagbibigay ng espasyo sa iba’t ibang opinyon hindi paninira at pangmamaliit.
Kung ayaw ninyo sa naging pamumuno niya, karapatan ninyo iyon. Pero huwag ninyong tawaging bobo ang mga taong may ibang pananaw. Dahil sa huli, pare-pareho lang tayong Pilipino na may hangaring mapabuti ang ating mahal na bayan.
Sa huli, pare-pareho tayong Pilipino na hangad ang kabutihan ng ating bayan.
Peace at respeto lang sa lahat.
🙏🙏🙏
🇵🇭👊💚