
30/07/2025
JUST IN: PHIVOLCS, Naglabas ng Tsunami Advisory Matapos ang Magnitude 8.7 na Lindol sa Russia
Nagpalabas ngayong umaga ng Tsunami Information Advisory No. 2 ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST), kasunod ng magnitude 8.7 na lindol na yumanig sa bahagi ng Russia.
Batay sa pinakabagong datos mula sa Pacific Tsunami Warning Center, posibleng makararanas ang mga baybaying-dagat ng Pilipinas, kabilang ang lalawigan ng Albay, ng minor sea level disturbance o bahagyang pagtaas ng tubig-dagat na hindi hihigit sa isang (1) metro.
Ayon sa advisory, ang unang bugso ng mga alon ng tsunami ay inaasahang darating sa pagitan ng 1:20 PM hanggang 2:40 PM ngayong araw, Hulyo 30, 2025 (PST). Paalala ng PHIVOLCS, maaaring hindi ito ang pinakamalaking alon at posibleng magpatuloy ang mga epekto sa loob ng ilang oras.
Mahigpit na pinapayuhan ang mga residente sa mga baybaying barangay ng Albay na lumikas patungo sa mas mataas na lugar bilang pag-iingat. Pinayuhan din ang mga mangingisda at may-ari ng sasakyang pandagat na huwag muna pumalaot hangga’t may banta ng abnormal na taas ng alon.
Patuloy na mino-monitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon at inaasahang maglalabas pa ng mga kaukulang update.