08/12/2025
GUSTO KO LANG NAMAN MAKAPAG-ARAL PERO...
Ako si Elen, 29 at mayroon akong karanasang naghubog sa akin bilang isang matatag na tao.
Pitong taon pa lang ako ay namatay na ang aking mga magulang dahil sa isang aksidente. Nag-iisang anak ako at kahit hindi man kami mayaman noon, ramdam ko na maginhawa ang aming pamumuhay. Pupunta sana kami sa Baguio nang panahong iyon. Si Papa ang nag-drive habang si Mama naman ay nasa tabi niya nang bumangga kami sa isang malaking puno.
Pareho silang nawalan ng buhay.
Naiwan akong mag-isa.
Mula noon, ang buhay ko ay naging isang serye ng pagtitiis mula nang kinupkop ako at tumira sa aking mga tiyuhin at tiyahin. Sa isang bahay na puno ng ingay, ako ang pinakatahimik, at sa bawat kagat ng pagkain, pakiramdam ko ay may utang akong hindi ko mababayaran.
"Bakit ka pa nag-aaral, Elen? Sayang lang ang papel at oras. Magtrabaho ka na lang para may pakinabang ka naman. Hindi 'yong pinanindigan mo na ang pagiging palamunin,' ang laging naririnig ko mula sa aking Tiya Marta.
Tiniis ko lahat ng mga masasakit na salitang binitawan nila sa akin. Kahit pagod ako, ginawa ko ang lahat ng mga gawaing bahay. Hindi ako nagreklamo kahit walang pera basta makapag-aral lamang ako. Nagtiis ako hanggang makatapos ng Junior High School.
Gusto kong maging isang magaling na engineer.Ang saya ko noon dahil kaunting tiis na lang at maabot ko rin ang aking pangarap. Ngunit, hindi ko akalain na ang pangarap na siyang nagpapalakas sa akin, at unti-untinh maglalaho. Tila ba ilaw na lumamlam hanggang sa dumilim.
Isang gabi, pagkatapos ng isang matinding paninigaw dahil sa isang basag na baso, sinabihan ako ng aking Tiya:
"Lumayas ka dito, Elen! Hindi ka namin kailangan dito.Mula ngayon, ay wala na kaming pakialam sa 'yo. Napakataas pa ng pangarap mo,eh palamunin ka lang naman! Layas!"
Kahit masakit, parang nakaramdam ako ng kalayaan ng mga oras na iyon. Kinabukasan, bitbit ang isang lumang bag, ilang damit, at mga aklat, tahimik akong umalis at tinalikuran ang bahay na naging kulungan ko.
Naging tahanan ko ang ilalim ng hagdan sa likod ng isang maliit na panaderya. Doon ako nakituloy, kapalit ng paglilinis ng lugar bago at pagkatapos ng trabaho sa panaderya. Malamig, masikip, at mabaho sa amoy ng lumang harina, ngunit ito ang aking naging silid-aralan at kanlungan.
Upang matustusan ang sarili sa pag-aaral, nagtrabaho ako bilang waitress sa isang maliit na karinderya sa umaga, na nagbubukas bago sumikat ang araw. Pagkatapos ng klase, muli akong tatakbo pabalik para maghugas, maglinis, at magbantay sa karinderya.
Naranasan ko na ang lahat ng gawain: pagtitinda ng sampaguita sa ilalim ng tulay, pagiging kasambahay na halos walang tulog, at pagbalat ng bawang sa palengke kapalit ng kaunting barya. Halos sumuko na ako nang magkasakit ako at maubos ang naipon ko.
"Wala akong pinansiyal na suporta, walang pamilya na uuwian. Ano pa ang pinaglalabanan ko?" tanong ko sa sarili habang nakatingin sa kisame ng murang upahan na naipundar ko kalaunan.
Ngunit tuwing susubukan kong tumigil, naaalala ko ang mga pangarap na inukit ko sa mga pahina ng aklat—ang mga tulay na kailangan kong itayo. Hindi ako papayag na ang pang-aapi at kahirapan ang maging huling kabanata ng aking kuwento.
Lumipas ang mga taon at natapos ko ang aking kurso at naipasa ko ang Board Exam hindi lang dala ng aking kaalaman, kundi ang bigat ng bawat pagsubok na aking nalampasan.
Ngayon, ako na si Engr. Elena Reyes.
Mayroon na akong magandang tranaho at sa tuwing naglalakad ako sa site, naaalala ko ang malamig na semento sa ilalim ng hagdanan ng panaderya at ang kung paano ko nakamit ang aking pangarap.
Hindi ako sumuko, dahil alam ko na ang pinakamatibay na istraktura sa mundo ay hindi gawa sa bakal o semento, kundi sa isang pusong lumaban at hindi bumitaw sa pangarap.
Sa ngayon, unti-unti ko nang napapatawad ang aking pamilya. Masakit man ang ginawa nila sa akin pero alam kong naging bahagi pa rin sila ng aking buhay.