
15/03/2025
Sa Lilim ng Kaniyang Pananahimik
Ni: Angelex Martus
May mga tao talaga na dumarating sa 'ting buhay na tila bang isinulat sa mga pahina ng sarili nating kuwento—mangyaring hindi bida, subalit mayroong epekto. Siya ang aking kuwento na hindi ko inaasahang isusulat ng tadhana. Siya'y hindi pangkaraniwan, hindi siya malakas sa salita, ngunit sa kaniyang katahimikan, doon ko siya mas lalo pang nakilala.
Sa simula, wari'y hindi siya madaling abutin—parang isang bituin na sadyang matayog para mahawakan. Subalit habang lumilipas ang mga araw, aking napansin na hindi lang siya isang bituin—isa siyang konstelasyon, mayroong sariling liwanag at sariling mundo. At sa kabila ng kaniyang matibay na panlabas, alam kong sa loob niya'y may lambing na kaniyang itinatago.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang lahat. Sig**o nang kami'y unang nag-usap ng hindi pilit. O noong nakita ko siyang nag-aalala sa iba na hindi humihingi ng kapalit. O baka naman noong araw na napansin kong kahit hindi siya palatawa, siya ay may paraang makapagbigay ng saya—sa pamamagitan ng simpleng presensya niya.
Paminsan-minsan gusto kong tanungin ang sarili ko, bakit ako ganito? Bakit ako nag-aalala ng higit pa sa dapat? At bakit ako naaapektuhan 'pag siya'y biglaang nananahimik, kapag siya'y mukhang pagod at kapag alam kong mayroong bumabagabag sa kaniya? Ngunit paano ko 'to maipapaliwanag kung 'di naman ako kasintiyak kung kailan siya naging ganito kahalaga sa'kin?
Nais kong alagaan siya, kahit hindi niya man hilingin. Gusto ko siyang intindihin, kahit siya'y 'di palaging nagsasalita. Hinahangad kong iparamdam sa kaniya na hindi niya kinakailangang maging matibay sa lahat ng oras dahil hindi siya nag-iisa.
Gayunpaman sa kabila ng lahat ng 'to, may takot din ako—takot na baka sa isang araw, itanong niya sakin na, "Bakit ka nagmamalasakit?" sapagkat alam kong wala akong maisasagot at lakas ng loob upang ipaliwanag ang lahat. Subalit paano ko sasabihin na minsan, mayroong mga taong dumarating sa buhay natin at wala tayong magagawa kundi mahalin na lamang sila sa paraang kaya natin, kahit walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang kuwento?