14/02/2025
ARAW NG MGA PUSO MASAYANG IPINAGDIWANG NG MGA SILANGONIAN
Pebrero 14, 2025 – Masayang idinaos ng mga estudyante, g**o, at magulang ng Bagong Silang National High School ang Araw ng mga Puso sa isang matagumpay na seremonya na pinangunahan ng iba’t ibang organisasyon ng paaralan tulad ng SSLG, BKD, RCYC, YES-O, at YECS.
Iba’t ibang booth ang itinayo upang magbigay-aliw sa mga mag-aaral, kabilang ang Jail Booth, Wedding Booth, at Photo Booth, na sinamahan din ng shout-out session para sa mga estudyante.
Sinimulan ang programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Audrey Eunise C. Lopez, kinatawan ng SSLG, na sinundan ng pag-awit ng pambansang awit ng Pilipinas. Nagbigay ng pambungad na pananalita si Jomel Robleza, pangulo ng SSLG na sinundan ng mensahe na nagmula sa Punong-g**o ng paaralan na si Gng. Emelyn C. Medrano.
Nagbigay-buhay sa seremonya ang isang pagtatanghal ng kanta mula sa talentadong Grade 8 student na si Zyrhiel D. Capito, na labis na kinagiliwan ng mga Silangonian.
Isa sa mga tampok ng programa ay ang dance competition na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa Grade 8 at Grade 9. Nagpakitang-gilas ang mga kalahok sa kanilang husay at pagkamalikhain. Sa kategorya ng folkdance, itinanghal na kampeon ang Grade 8 Amber habang pumangalawa ang Grade 8 Topaz. Samantala, sa kategorya ng festival dance, nasungkit ng Grade 9 Ruby ang unang puwesto, at itinalaga naman bilang pangalawa ang Grade 9 Garnet.
Ipinamalas ng mga nagwaging grupo ang determinasyon, pagkakaisa, at husay sa kanilang pagtatanghal, dahilan upang sila ay kilalanin at ipagbunyi ng buong paaralan.
Ang naturang selebrasyon ay naging matagumpay sa kabila ng mga hamon sa paghahanda. Buong pusong naglaan ng oras ang mga opisyal ng iba’t ibang organisasyon at mga g**o upang maisakatuparan ang programa. Sa kabila nito, napuno ng saya at pagmamahalan ang selebrasyon, na nagsilbing simbolo ng pagkakaisa ng mga Silangonian ngayong Araw ng mga Puso.
Isinulat nina : Majesygel D. Sarne at Kent Wesly B. Alilio
Kuhang Larawan ni: Billy S. Loberes