DSWD 4Ps Updates - Agutayan, Pasig, and Rabor

DSWD 4Ps Updates - Agutayan, Pasig, and Rabor Official community information page for 4Ps beneficiaries in Barangays Agutayan, Pasig, and Rabor.

|| BAYANIHAN PARA SA MAS LIGTAS NA PAGLALAKBAY — BARANGAY RABOR ||Ngayong araw, nagkaisa ang mga opisyal ng Barangay Rab...
07/08/2026

|| BAYANIHAN PARA SA MAS LIGTAS NA PAGLALAKBAY — BARANGAY RABOR ||

Ngayong araw, nagkaisa ang mga opisyal ng Barangay Rabor, mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at iba pang mga residente sa isinagawang Bayanihan sa paglilinis at pagsasaayos ng mga daanan sa ating barangay.

Ang mga daanang ito ang araw-araw na ginagamit ng ating mga kababayan, lalo na ng mga mag-aaral na naglalakad papunta sa paaralan. Sa panahon ng tag-ulan, nagiging maputik ang mga daan at kailangang tumawid sa ilang sapa at masukal na bahagi ng lugar, kaya mas mahalaga ang patuloy na pag-aayos at paglilinis nito upang maging mas ligtas ang pagdaan ng lahat.

Bilang bahagi ng bayanihan, nilinis ang mga daanan at inayos ang mga tulay na nagsisilbing tawiran sa mga sapa. Malaking tulong ito sa mga batang pumapasok sa paaralan, lalo na sa mga kinakailangang maglakad at tumawid pa patungo sa karatig na barangay. Makatutulong din ito upang mabawasan ang panganib na maaaring harapin ng mga residente, lalo na sa mga lugar na may banta ng buwaya.

Ang simpleng pagtutulungan na ito ay nagpapatunay na kapag nagkakaisa ang komunidad, mas maraming magagandang bagay ang ating nagagawa para sa kapakanan ng bawat isa.

Maraming salamat sa mga opisyal ng Barangay Rabor sa pangunguna ng butihing kapitan Mary Jane I. Mohammad, sa mga benepisyaryo ng 4Ps, at sa lahat ng mga residenteng naglaan ng kanilang oras, lakas, at malasakit upang maisakatuparan ang gawaing ito. Nawa'y patuloy nating mapanatili ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa para sa isang mas ligtas at mas maayos na Barangay Rabor.

🙌
31/07/2026

🙌

GOOD NEWS! Mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program - 4Ps! 💙

Ang payout ng cash grant para sa Period 3 (Mayo–Hunyo 2026) ay nakatakdang isagawa sa Lunes (Agosto 3) at Martes (Agosto 4), sa pamamagitan ng ATM withdrawals sa mga piling LANDBANK Servicing Branches at sa inyong mga e-wallets.

🗓️ Narito ang payout schedule para sa bawat rehiyon:

📍 Lunes (Agosto 3, 2026)
✔️ 1-CVS Regular — NCR, CAR, 1, 2, 3, 4-A, MIMAROPA, 5, 6, 7 at 8
✔️ 1-CVS Regular via e-wallets (GCash/Maya) — NCR, CAR, 1, 3, 4-A, MIMAROPA, 5, 6, 8, 10, 11, 12 at Caraga
✔️ Active Households in Special or Difficult Circumstances via e-wallets (GCash) — 5

📍 Martes (Agosto 4, 2026)
✔️ 1-CVS Regular — 9, 10, 11, 12, Caraga, BARMM at NIR
✔️ Active Households in Special or Difficult Circumstances — CAR, 1, 1, 3, 4-A, MIMAROPA, 5, 9, 12, Caraga at BARMM

📍 Para sa kumpletong listahan ng pinakamalapit na LANDBANK Servicing Branches sa inyong lugar, bisitahin ang:
https://bit.ly/3JvM1OL

💳 Alamin ang wasto at ligtas na paggamit ng inyong LANDBANK Cash Card sa pamamagitan ng panonood ng reel na ito:
https://www.facebook.com/reel/792897642680457

📲 Para matiyak na tama at opisyal ang impormasyong inyong natatanggap, sundan lamang ang mga opisyal na pages ng:

• Pantawid Pamilyang Pilipino Program - 4Ps: https://www.facebook.com/DSWDPantawidPamilya
• Land Bank of the Philippines: https://www.facebook.com/landbankofficial

❤️

📱 COMMUNITY UPDATE || BAYANIHAN SIM PARA SA MGA BATANG 4PsIsa na namang magandang tulong ang natanggap ng ating mga kaba...
30/07/2026

📱 COMMUNITY UPDATE || BAYANIHAN SIM PARA SA MGA BATANG 4Ps

Isa na namang magandang tulong ang natanggap ng ating mga kabataan mula sa Barangay Agutayan, Pasig, at Rabor.

Kabuuang 56 na high school students na monitored children ng 4Ps ang nabigyan ng Bayanihan SIM. Ang mga batang ito ay nag-aaral sa town proper ng Balabac at karamihan sa kanila ay galing pa sa mga barangay na hanggang ngayon ay wala pang network signal.

Sa mga nakaranas nang mag-aral sa ganitong sitwasyon, alam natin kung gaano kahirap kapag kailangan ng internet para sa assignment, research o school activity pero wala kang sariling connection. Kaya malaking tulong ang SIM at ang libreng data na kasama nito. Magagamit ito ng mga bata sa paghahanap ng mga kailangan nila para sa kanilang mga aralin, pag-access ng learning materials, paggawa ng school requirements at pakikipag-ugnayan sa kanilang mga g**o at kaklase.

Hindi man ito malaking bagay para sa iba, pero para sa mga batang nag-aaral na galing sa malalayong barangay, malaking dagdag na tulong ito. Mas nagkakaroon sila ng pagkakataong makasabay sa mga gawain sa paaralan at magamit ang teknolohiya para sa kanilang pag-aaral.

Maraming salamat sa DICT at DSWD-4Ps sa programang ito at sa lahat ng naging bahagi para makarating ang tulong na ito sa ating mga kabataan.

Sana ay magamit nila nang maayos ang mga SIM na ito at makatulong kahit kaunti sa kanilang pag-aaral. 📚📱

Para sa ating mga kabataan, bawat tulong ay mahalaga. 💙

🗯 ‎KWENTONG PAGTAWID NG ISANG BATANG PANTAWID ⬆️‎‎Isang pangarap na muling binigyan ng pagkakataon.‎‎Si Rian J. Bacar, 1...
28/07/2026

🗯 ‎KWENTONG PAGTAWID NG ISANG BATANG PANTAWID ⬆️

‎Isang pangarap na muling binigyan ng pagkakataon.

‎Si Rian J. Bacar, 17 taong gulang at residente ng Barangay Rabor, ay anak ni Melina Jaidon, isang benepisyaryo ng 4Ps.

‎Tulad ng ibang kabataan, may pangarap din si Rian na nais niyang makamit. Ngunit dumating ang panahon na kinailangan niyang huminto sa pag-aaral dahil nagkasakit ang kanyang nanay at kailangan niya itong alagaan.

‎Sa kabila ng pagsubok, hindi niya tuluyang binitawan ang kanyang pangarap. Sa tulong ng Alternative Learning System (ALS) ng DepEd, muling nagkaroon ng pagkakataon si Rian na makapag-aral at ipagpatuloy ang kanyang nasimulan.

‎Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. May mga hamon siyang kinaharap habang ipinagpapatuloy ang kanyang pag-aaral, ngunit hindi ito naging dahilan upang tuluyan niyang talikuran ang kanyang pangarap. Sa mga panahong nahihirapan siya, ang kanyang pamilya ang nagsilbing kanyang pinakamalaking inspirasyon at sandigan.

‎Malaking tulong din para kay Rian ang pagiging benepisyaryo ng 4Ps. Ayon sa kanya, nakatulong ang programa sa kanilang mga pangunahing pangangailangan at nakatulong upang hindi gaanong maging hadlang ang mga gastusin sa pagpapatuloy niya sa pag-aaral. Dahil dito, mas nakapagbigay siya ng oras at atensyon sa kanyang pag-aaral.

‎At noong Hulyo 24, 2026, isang mahalagang pangarap ang natupad—
Matagumpay na nakapagtapos si Rian ng Junior High School sa pamamagitan ng ALS.

‎Para kay Rian, hindi hadlang ang kahirapan o anumang pagsubok upang makapag-aral at makamit ang tagumpay. Natutunan din niya na hindi huli ang lahat para sa taong determinadong matuto at mangarap.

‎Sa kanyang ALS teacher na si Sir Kirk Manicar, isang simpleng ngunit taos-pusong pasasalamat ang nais niyang ipaabot:

‎"Maraming-maraming salamat po sa lahat, Sir Kirk. Kung hindi po dahil sa inyo at sa inyong paggabay, hindi ko po ito mararating. Malaking bagay po ang inyong tulong para sa akin."

‎At para naman sa mga kabataang napilitang huminto sa pag-aaral, ito ang mensahe ni Rian:

‎"Huwag po kayong mawawalan ng pag-asa at huwag sumuko sa pangarap. Maraming paraan para makapag-aral ulit, tulad ng ALS. Kahit anong hirap, may paraan kung gusto nating magtagumpay. Panghawakan niyo po ang inyong pangarap para sa inyong sarili at sa inyong pamilya."

‎Sa kwento ni Rian, hindi rin maikakaila ang naging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng tulong ng programa, nabigyan sila ng suporta para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan, na nakatulong upang mas maituon ni Rian ang kanyang oras sa pag-aaral.

‎Maraming salamat sa 4Ps sa patuloy na pagsuporta sa mga pamilyang nangangailangan at sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.

‎Ang kwento ni Rian ay kwento ng isang kabataang hindi sumuko. Isang patunay na kahit may mga pagsubok at pagkakataong mapahinto, may pagkakataon pa ring bumalik, matuto, mangarap at magtagumpay.

‎Kwentong Pagtawid ng Pamilyang Pantawid, dahil ang bawat pangarap ay may pagkakataong maisakatuparan. ❤

CONGRATULATIONS, RIAN! 🙌👏



🔊 COMMUNITY UPDATE Part 2 || Barangay RaborNapapalibutan ng masaganang bakawan ang Barangay Rabor na nagsisilbing pinagk...
20/07/2026

🔊 COMMUNITY UPDATE Part 2 || Barangay Rabor

Napapalibutan ng masaganang bakawan ang Barangay Rabor na nagsisilbing pinagkukunan ng iba't ibang shellfish, alimango, at iba pang lamang-dagat. Ngunit kasabay ng kagandahang ito ay ang hamon ng pamumuhay kasama ang mga buwayang naninirahan sa mga ilog at bukana.

Malaking tulong ang mga tulay upang maiwasan ang human-crocodile conflict, lalo na para sa mga batang araw-araw na naglalakad papunta sa paaralan at sa mga pamilyang nakatira sa laot na ang pangunahing kabuhayan ay seaweeds farming at pangingisda.

Bilang Municipal Link ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa Rabor, lubos ang aming pasasalamat kay Kap. Mary Jane Idulog Mohammad at sa buong Sangguniang Barangay ng Rabor sa patuloy na pagbibigay-serbisyo sa kanilang mga kabarangay. Ang bagong tulay mula Proper Rabor patungong Tamparan, gayundin ang pinahabang tulay sa Sitio Paryangan, ay malaking ginhawa para sa mga residente dahil hindi na nila kailangang dumaan sa malawak na bukana at maputik na daanan.

Isa itong proyektong tunay na nagpapalapit sa mga komunidad at nagbibigay ng mas ligtas, mas madali, at mas maginhawang paglalakbay para sa lahat.

Mogsukoy kay dikaw ngotanan! 💙

👪 Family Development Sessions || Validation and Kumustahan 🙌Matagumpay na naisagawa ang weeklong Family Development Sess...
17/07/2026

👪 Family Development Sessions || Validation and Kumustahan 🙌

Matagumpay na naisagawa ang weeklong Family Development Sessions (FDS), mga home visitations, at iba pang program activities mula Hulyo 13–16, 2026 sa Barangay Agutayan.
Maraming salamat sa lahat ng nakiisa! 🥰

Kita-kits naman sa susunod na linggo, Barangay Rabor at Barangay Pasig.

Mogsukor kay dikow ngotanan!

📢 COMMUNITY UPDATE | Barangay AgutayanMaraming salamat po kay Kapitan Carman Condes  sa pagsisimula ng proyektong daanan...
16/07/2026

📢 COMMUNITY UPDATE | Barangay Agutayan

Maraming salamat po kay Kapitan Carman Condes sa pagsisimula ng proyektong daanang tulay sa Sitio Tahwa, Agutayan, Balabac. 🙌🥰

Malaking tulong po ito sa mga residente, lalo na sa mga pamilyang nakatira sa laot. Sa pamamagitan ng proyektong ito, hindi na nila kailangang dumaan sa maputik na parte ng bakawan upang makarating sa kanilang mga bahay. Mas magiging ligtas, mas madali, at mas maginhawa na ang pagdaong at pagbaba nila ng mga bangka.

Maraming salamat po sa inyong malasakit at sa proyektong tunay na nagbibigay-ginhawa sa ating komunidad. ❤️

📍 Field Accomplishment Conducted home visitations and validation activities for 4Ps Set 14 household registration, follo...
15/07/2026

📍 Field Accomplishment

Conducted home visitations and validation activities for 4Ps Set 14 household registration, followed by the encoding of household information in the PPIS Household Registration Module.

Para po sa kaalaman ng mga posibleng maging bagong benepisyaryo ng 4Ps sa Barangay Agutayan, Rabor, at Pasig ❤️.Kung hin...
05/07/2026

Para po sa kaalaman ng mga posibleng maging bagong benepisyaryo ng 4Ps sa Barangay Agutayan, Rabor, at Pasig ❤️.

Kung hindi po nila nakita ang posting po sa mga barangay hall at mga tindahan, maaari pong paki-share po ito sa kanila para po maihanda nila ang mga kailangan. Maraming salamat po!

🗯 KWENTONG PAGTAWID NG PAMILYANG PANTAWID ⬆️‎‎‎Mula sa pangarap na puno ng pag-asa hanggang sa pag-abot ng tagumpay na p...
30/06/2026

🗯 KWENTONG PAGTAWID NG PAMILYANG PANTAWID ⬆️


‎Mula sa pangarap na puno ng pag-asa hanggang sa pag-abot ng tagumpay na pinanday ng pagsisikap—
ANG KWENTO NG ISANG ANAK MOLBOG AT BATANG 4PS

------------------------------------

Ako po si Zherna-Chin C. Mohammad, 24 taong gulang at pangatlo sa anim na magkakapatid. Nakatira at ipinanganak ako sa Barangay Agutayan, Balabac, Palawan. Mula pa noong bata ay mulat na ako sa totoong hamon ng buhay at kahirapan. Lalo nga pong naging mabigat ang aming pinagdaanan simula noong makulong ang aming “Ama” Tatay, way back 2010. Kahit alam naming wala siyang kasalanan, wala rin kaming sapat na kakayahan noon upang maipaglaban ang hustisya para sa kanya. Dahil dito, ang aming “Indu” Nanay na si Nelita C. Mohammad ang mag-isang nagsumikap at nagsakripisyo upang maitaguyod ang aming pamilya at maipagpatuloy ang aming pag-aaral.
Isa po pala siyang miyembro ng 4Ps, kung kaya’t malaki ang naitulong ng programang ito sa amin, sapagkat sa tulong nito ay nakapag-aral kaming magkakapatid sa kabila ng kahirapan at mga pagsubok na aming hinarap sa buhay.

Mula pa noong ako ay nasa Elementarya, talagang sinubok na po ako ng tadhana. “Tugu ini mongu’ odduw na ogsulod ako kaay iskulan minsan indaay tsinelas, pogpanow kaay kurusuwan, minsan dulok atawa liyud sukor lamang ko iskul. Wada ina nga su’ mutukaan, indaay kay noga bugas, suga ogbaalon Indu ku pogmistang nolang siya sukor kay lamang kookun muku mgo tipusod ko.” (May mga araw pa nga na pumapasok ako sa school na walang tsinelas, naglalakad sa putikan, kahit ulan o di kaya ay baha para lamang makapag-aral. Minsan pa nga, wala kaming bigas, pero ang ginagawa ng nanay ko, naglulugaw na lang siya para lamang makakain kaming magkakapatid).
Ito pa, isa rin po pala sa naging specialty na ulam namin noon na hinding-hindi ko makakalimutan ay ang “kinurot punti” (hilaw na saging na ginidgid na nilalagyan ng asin, sibuyas at tuyo). Buti na lamang at malawak ang sagingan namin noon kaya kahit papaano ay may pantawid gutom, nauulam at makain kami.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito, hindi po naging hadlang ang salitang “Kahirapan” upang ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Sa tulong po ng programang 4Ps, nabigyan ako ng suporta at pag-asa upang magpatuloy. Nagsumikap po ako at nagtapos bilang Class Valedictorian noong ako ay nasa Elementarya, taong 2014.

Hindi ko alam noon kung magpapatuloy pa ba ako sa aking pag-aaral sa High school. Dahil noong panahon ng aming batch ay wala pang Grade 7 sa lugar namin. Ngunit, nag desisyon po akong magpatuloy kahit wala kaming sapat na pera. Tanging lakas ng loob at tiwala na lamang po sa sarili ang kinapitan ko. “Tugu ini mongu odduw na ogsulod ako kaay iskulan minsan indaay luto’ perak, wada inaa, ogurukok nu tungol ko kaay udap. Suga’ kuwan ku sige lang, kaya ko iti minsan muhunit atas kutubos ga ako mogiskul”. (May mga araw na pumapasok ako sa school na walang baon na pera, minsan pa nga ay kumakalam na ang sikmura ko sa sobrang gutom. Pero sabi ko sige lang, kaya ko ito dahil ang mahalaga ay makapagtapos ako sa aking pag-aaral). Araw-araw, paulit-ulit, ganoon po ang naging cycle ng aking buhay.—School, bahay— bahay, school. Wala mang karangyaan, pinili kong magpursige dahil alam kong edukasyon lamang ang susi upang mabago ang aming kalagayan.

Noong ako ay mag Senior High School na, pinili ko ang TVL, Agri-Crops Production dahil nais kong mas matuto pa tungkol sa Agrikultura. Dahil ang tanging kabuhayan lamang namin noon ay ang pagkakaingin. Mahirap din ang proseso mula sa “ponubong, pondurok, pogtugal, tubos mongilamun gasi”. Minsan pa nga kung mamalasin ay wala ka ring maaani dahil sa mga insekto o hindi kaya minsan ay mas nauuna pa mag-ani ang unggoy kaysa sa may-ari ng pananim.

Naranasan din naming mag- agar, sobrang hirap din ng proseso, kailangan mo pang mag-antay ng ilang buwan para maka-harvest. Isa rin pala sa kabuhayan namin noon ay ang pagkokopras ng niyog. Ilan lamang po ito sa kalimitam na ikinabubuhay at kabuhayan sa aming lugar. Kaya habang nag-aaral ako, nagsisikap din akong tumulong sa aking pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda tuwing bakasyon. Natuto akong magsikap, magtiyaga, at mangarap nang mas mataas para sa aking sarili at sa aking pamilya.
Sinabi ko noon sa sarili ko na, “Kiya’ nu ako moimuk morunasan ini hunit na nulubayan ku, kansa kugunahan ko mogtubos mogiskul sukor ku motubangan mgo tipusod ko muku Indu ko” (Ayaw ko na maranasan iyong hirap na naranasan ko, kaya kailangan kong makapagtapos sa aking pag-aaral para matulungan ko ang mga kapatid at nanay ko).

Sabi nga nila, hindi natin kasalanan na ipinanganak tayong mahirap, pero kasalanan na natin kung mamamatay tayong mahirap. At naniniwala po ako doon, kung kaya’t kahit gaano kalupit ang tadhana, pinilit ko pong bumangon para magpatuloy at mangarap.
Sa kabila nito, naging Class President at nanguna ako sa aming klase. At kahit hindi kami nagkaroon ng graduation dahil sa pandemic noon, masaya pa rin ako dahil finally, “Noku-Graduate nu ako High School!"

Sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), nagkaroon ako ng pag-asa na maipagpatuloy ang aking pag-aaral sa Kolehiyo. At sa tulong na rin ng ate ko, nakapag aral ako ng Kolehiyo sa Fullbright College. Kahit walang kasiguraduhan, pinili ko pa rin na magpatuloy sa aking pag-aaral. Isa rin po pala akong scholar ng Tulong Dunong Program (TDP) at malaking tulong din po ito sa pag-aaral ko.

Masasabi ko na, “Kiya’ pulan basta-basta iti pugiskul College” (Hindi pala basta-basta ang mag-aral sa College). Kasi dobleng sakripisyo at tiyaga talaga ang naging puhunan ko. Sa una, sobrang nahirapan at nanibago ako, at dahil nga pandemic noon, online classes lang kami. At to be honest, sobrang hirap mag adjust dahil hindi naman ako kagalingan sa paggamit ng mga apps at cellphone. Pero hindi ako sumuko kahit na minsan ay dumarating na sa punto na sukong-suko na ako. Totoo pala talaga na sa College mo mararanasan lahat ng hirap. Una na ay ang malayo sa pamilya, kakulangan sa pera, at sa kung paano mo i-su survive ang pang-araw-araw na mga pangangailangan mo. Kaya every time na sobrang hirap na ako, nagdadasal talaga ako. “Ogungat-ungaton ko kaay Tuhan, kuwan ko minsan mohunit tutasan ku, ibuguya lang yahi ini pongarap ko muku’ ini buhay na kuimukan ko”. (Hinihiling ko kay Allah, sabi ko kahit mahirap titiisin ko, ibigay mo lang sa akin ang pangarap na gusto ko at ang buhay na hinahangad ko).
Sa awa ng Allah, nakapagtapos ako sa kursong BSED major in Mathematics at nito lamang May 2026 ako ay naging isang ganap na LPT kahit ako ay nag-self review lamang.
Ngayon masasabi ko na malayo pa, pero malayo na rin pala ako.

Sa ngayon, nakalaya na rin po pala ang aming “Ama” Tatay at nabuo na ulit ang aming pamilya na minsan ay pinagkait sa amin ng tadhana.

Sa kasalukayan, isa po akong SK Chairman na naglilingkod sa mga kabataan mula sa Barangay Agutayan, Balabac, Palawan. At kung ako po ay inyong tatanungin kong bakit pinili kong maglingkod sa mga kabataan ay dahil nais kong makatulong sa mas marami pang kapwa kong Kabataang Molbog na magkaroon ng inspirasyon na mag-aral, mangarap, at magsikap para sa kanilang kinabukasan. Lagi ko pong sinasabi na “Kiya’ kitoy basta Molbog lang, suga’ Molbog kitoy na tugu koimukan putunayan, Molbog na tugu pongarap. Kansa minsan muhunit, subay kitoy mogtuyo sukor moumpot toy ini pongarap na koimukan toy”. (Hindi tayo basta Molbog lang, pero Molbog tayo na may nais patunayan, Molbog na may pangarap). Kaya kahit mahirap, kailangan nating magsikap upang maabot ang mga pangarap na gusto natin. Dahil naniniwala po ako na hindi hadlang ang salitang “Kutiksaan” o “Kahirapan” kapag ang puso natin ay puno ng pangarap at determinasyong mangarap.

Kaya bilang isang batang Molbog at anak ng 4Ps, lubos po akong nagpapasalamat dahil napakalaki ng naitulong ng inyong programa upang makapagtapos ako sa aking pag-aaral at maabot ko ang aking pangarap. Hindi man naging madali ang lahat, ngunit sa bawat pagsubok ay natuto akong maging matatag at lumaban. Kaya sa aking mga kapwa kabataang Molbog, nais ko pong sabihin na patuloy lang po kayong mangarap at magsumikap. Sobrang proud po ako sa bawat isa sa inyo, dahil sa kabila ng mga hamon sa buhay, patuloy kayong bumabangon, nagsisikap, at nangangarap. Tandaan po ninyo na hindi tayo basta Molbog lang, tayo ay mga kabataang Molbog na may nais patunayan at handang gawin ang lahat upang maabot ang ating mga pangarap.

Sa muli, taos-puso po akong nagpapasalamat sa programa ng 4Ps. Isa po ako sa mga kabataang mulat sa kahirapan at tulad ng marami, minsan din po akong nagsumikap at nangarap. Habang buhay po akong magpapasalamat sa inyong programa na naging daan upang maabot ko ang aking pangarap. Maraming maraming salamat po.
----------------------------------------------------
Ang kwento ni Zherna-Chin Mohammad ay nagpapaalala sa ating lahat na ang kahirapan ay hindi sukatan ng magiging kinabukasan. Kapag may tiyaga, sipag, pananampalataya, at mga taong handang umalalay, walang pangarap na imposibleng maabot. ❤

‎“Ang bawat tagumpay ay nagsisimula sa isang taong piniling huwag sumuko.” 🙌


Address

Balabac
5307

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when DSWD 4Ps Updates - Agutayan, Pasig, and Rabor posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Shortcuts

Share