15/10/2025
ACPNP NARTATEZ: “TANGING MAHUSAY AT DISIPLINADONG PULIS LAMANG ANG MAGSUSUOT NG PNP BADGE”
Bilang matatag na suporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa Bagong Pilipinas, muling pinagtitibay ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang buong pagtutok nito sa pagbuo ng isang mas matatag, disiplinado, at tunay na tagapaglingkod na kapulisan sa pagbubukas ng recruitment para sa mahigit 6,500 bagong pulis bilang kapalit ng taunang attrition quota.
Binigyang-diin ni PLTGEN Nartatez na ang recruitment ngayong taon ay nakabatay sa integridad, transparency, at merit-based selection upang matiyak na ang tanging pinakamahuhusay at may malasakit sa paglilingkod lamang ang makapapasok sa PNP.
“Sa ilalim ng aking pamumuno, titiyakin nating ang bawat bagong miyembro ng PNP ay mahuhubog at mapapatnubayan tungo sa pagiging pulis na karapat-dapat sa tiwala at respeto ng taumbayan — serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” ani PLTGEN Nartatez.
Ang hakbanging ito ay bahagi ng PNP Focus Agenda sa ilalim ng Management of Resources, na layuning mapaunlad ang paggamit ng human, materiel, at financial resources upang makamit ang mataas na antas ng operational efficiency at organizational excellence.
Dagdag pa ng Acting Chief PNP, ang pagiging pulis ay hindi lamang nasusukat sa lakas ng pangangatawan kundi higit sa lahat, sa pagkakaroon ng tamang disiplina, kaisipan, at pagpapahalaga sa tungkulin.
“Hindi sapat na ikaw ay malakas at matipuno; dapat ay may tamang kasanayan, kaalaman, at kakayahang humarap sa hamon ng pagiging tagapagpatupad ng batas. Ang badge na iyong isusuot ay simbolo ng serbisyo at integridad, hindi ng kapangyarihan,” ani PLTGEN Nartatez.
Batay sa tala noong September 30, 2025, ang PNP ay may kabuuang 230,560 na personnel na binubuo ng 17,676 Police Commissioned Officers, 199,559 Police Non-Commissioned Officers, 12,232 Non-Uniformed Personnel, at 1,093 cadets na nakatalaga sa iba’t ibang yunit sa buong bansa.
Ipinagmamalaki rin ng PNP ang mga Tactical Officers at Field Training Officers na magsisilbing gabay at tagapagsanay ng mga bagong rekrut upang maging mga pulis na may kakayahan, malasakit, at integridad.
Samantala, tiniyak ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño na ang recruitment ng PNP ay ginagawa nang tapat, maayos at walang kinikilingan.
“Tinitiyak ng PNP na ang bawat bagong rekrut ay dumaraan sa tamang proseso ng pagpili at mga pagsasanay upang maging bahagi ng repormadong kapulisan. Sa pamumuno ni Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., binubuo natin ang bagong henerasyon ng mga pulis na tunay na kaagapay ng mamamayan,” ani PBGEN Tuaño.
Sa pagpapatuloy ng programang ito, binigyang-diin ng PNP na ang pagre-recruit ng mahigit 6,500 bagong pulis ay hindi lang basta pagdaragdag ng bilang, kundi isang paraan upang pag-ibayuhin ang layunin at diwa ng tunay na paglilingkod, isang matatag na hakbang tungo sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas, serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.