27/09/2025
Cainta Magpapatupad ng Mahigpit na Regulasyon sa mga Nagpapaupa at Migration
Maghihigpit na ang pamahalaang lokal ang mga regulasyon hinggil sa pagtatayo ng mga apartment at pagdagsa ng mga migrants sa bayan, bunsod ng mabilis na paglobo ng populasyon na umabot na sa 3.8% kada taon.
Ayon kay Nieto, halos 3% ng nasabing paglago ay dulot ng mga lumilipat na residente na naaakit sa mga serbisyong naibibigay ng munisipyo. Malayo aniya ito sa pambansang growth rate na nasa 0.8% lamang kada taon.
Dahil dito, nagpatupad ang pamahalaang bayan ng ordinansa upang mapanatili ang kaayusan at sapat na serbisyo para sa mga mamamayan.
Kabilang dito ang “one lot, one house policy” sa mga subdivision at ang pagtatakda ng minimum lot area na 100 square meters para sa bawat bahay. Ipinagbabawal na rin ang pagtatayo ng mga apartment sa mga naturang lugar.
Binigyang-diin ni Nieto na nagiging sanhi ng pagsisikip, pagdami ng basura, kakulangan sa paradahan, at problema sa trapiko ang labis na konstruksyon ng mga apartment sa maliliit na lote. Bukod dito, aniya, marami sa mga nangungupahan ay walang pangmatagalang malasakit sa kanilang komunidad.
“Kung ngayon ay maayos pa ang sitwasyon, sa loob ng sampung taon ay posibleng lumubog tayo sa mas mabibigat na problema kung hindi ito maagapan,” babala ng alkalde.
Kasabay nito, nanawagan si Nieto sa Kongreso na magpasa ng batas na magtatakda ng pambansang pamantayan sa population density upang matiyak ang disenteng pamumuhay ng mga mamamayan at mapigilan ang sobrang pagsisiksikan sa mga bayan.
“Okey na kami rito. Kung puno na ang Cainta, mas mainam na lumipat na lamang sa ibang bayan,” pagtatapos niya.