08/05/2025
LEGISLATED WAGE HIKE, MALAKING TULONG SA MANGGAGAWA- AQUINO
Panahon na upang isabatas ang P200 legislated wage hike bilang tulong sa mga manggagawa sa harap ng mataas na presyo ng bilihin at iba pang gastusin, ayon kay dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino.
Ayon kay Aquino, mahalagang maisabatas na ang legislated wage hike para mapagaan ang pasanin ng mga manggagawa na hindi na mapagkasya ang suweldo dahil sa mataas na presyo ng bilihin at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Paliwanag ni Aquino, kulang na ang naiuuwing suweldo ng mga manggagawa, na karaniwang napupunta lang sa pagkain.
Aniya, nahihirapan na ang mga manggagawa na tugunan ang iba pang pangangailangan ng pamilya gaya ng kuryente, tubig, upa sa bahay, at gamot.
Kamakailan, inindorso ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang kandidatura ni Aquino kasabay ng pagsuporta sa isinusulong niyang libreng kolehiyo at siguradong trabaho para sa lahat ng Pilipino.
Kapag nakabalik sa Senado, nais ni Aquino na palawakin ang libreng kolehiyo para mas marami pang estudyante ang makinabang at tiyaking may sapat na pondo ang libreng pabaon na nakapaloob dito.
Itatawid din ni Aquino ang batas ng libreng kolehiyo tungo sa siguradong trabaho para sa mga Pilipino para matiyak ang kanilang magandang kinabukasan.
Maraming natulungan si Aquino sa kanyang mga naipasang batas, kabilang na ang mga estudyante at mga magulang sa kanyang libreng kolehiyo, at maliliit na negosyante sa Go Negosyo Act.