28/08/2025
๐๐๐ฉ๐๐ฉ๐๐ฐ๐ข๐ง๐ ๐๐๐ง๐ ๐๐ซ๐ข๐ง
Tila ikalawang buhay ng mga estudyanteng Pilipino ang pagiging isang video game character. Katulad nina Super Mario, kailangan nilang tumalon nang mataas. Ito ay para naman maiwasan ang mga parte ng kalsada na lubog sa baha, para lamang makapasok sa eskwelahan at hindi masira ang kanilang mga itim na sapatos. Ganito ang kanilang karanasan tuwing tag-ulan sa Pilipinas, bawat taon nang walang kupas. Kaya laking dismaya ng mga mag-aaral kapag biglang sinususpinde ang klase kung kailan nasa paaralan na sila, dahil hindi biro ang paglalakbay na kanilang ginagawa sa gitna ng sakuna bawat taon; hindi naman sila mga anak ni Dyesebel.
Sa katotohanan, mas delikado para sa mga mag-aaral na umuwi mula sa paaralan kung kailan sila ay nakapasok na, kung kailan ang tubig ay naipon na sa mga kalsada at nagdudulot ng mga baha na abot tuhod at malakas ang daloy. Sa panahong din ito ay patuloy na rumaragasa ang ulan na dala ng habagat at bagyo. Ang tubig baha kasabay ng mga basurang lumulutang dito ay nagdadala rin ng mga sakit tulad ng leptospirosis at pagtatae. Mula Hunyo 8 hanggang sa kasalukuyan, mahigit 2,300 na kaso ng leptospirosis ang naitala, kaya naman nagbukas na ang Kagawaran ng Kalusugan ng mga leptospirosis fast lanes sa mga ospital (Baron, 2025). Mas malaking problema ang kailangang lampasan ng mga mag-aaral kung sila ay magkakasakit dahil wala sila sa poder ng kanilang mga sariling bahay na tumitiyak ng kanilang kaligtasan.
Dala ng naantalang anunsyo ng suspensyon ng klase, lahat ay magsisilabasan sa kalsada upang makauwi. Dadami ang mga sasakyan sa kalsada, at mas lalala ang trapiko. Para sa mga mag-aaral na magco-commute pa, mahirap maghanap ng masasakyan dahil karamihan dito ay puno at hindi makatigil dahil sa taas ng tubig. Maaari ring tumaas ang panganib na magkaroon ng aksidente sa daan. Noong 2020, 40% ng mga aksidente sa kalsada na nangyari sa NCR ay naganap noong tag-ulan. Umabot ito sa 26,000 na vehicular accidents ayon sa Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) (Zoleta, n.d.). Imbis na nasa bahay na ang mga mag-aaral bago pa lumubha ang sitwasyon ay kinakailangan pa nilang makipaglaban at makipagsapalaran sa baha, basura, at kapwa.
Masasabing ang paulit-ulit na pangyayari ng pagbuhos ng ulan at pagbaha ay natural na lamang para sa mga Pilipino, ngunit ito rin ay nakaaapekto sa mentalidad ng mamamayan, lalo na ang mga magulang at g**ong nakikita ang pagsisikap ng mga estudyante na makapasok sa eskwelahan, pero dahil sa kakulangan ng agarang aksyon ng pamahalaan ay biglang pauuwiin habang hinaharap ang malakas na ulan at abot-bewang na baha. Itoโy nakadudurog ng puso ng mga nakatatanda, kaya kahit itoโy dating gawi, hindi maalis sa isipan na magalit sa mga nakatataas na tila walang konsiderasyon sa pag-suspend ng klase.
Sa kabilang banda, hindi maipagkakaila na malabong kausap ang panahon. Minsan ay uulan, minsan hindi. Ngunit, ang malubhang epekto ng panahon sa Pilipinas ay maaaring maiwasan kahit may banta ng climate change. Ang badyet para sa flood control management ng bansa ay malapit sa 350 billion pesos ngayong 2025, pero saan ito napupunta? Ang mga d**e na pinapatayo ay nababaklas din, at ang pumping stations naman upang mapalabas ang tubig baha ay nasisira. Bakit kulang sa preparasyon ang pamabansang pamahalaan? Alam naman ng lahat na ang Pilipinas ay nasa Pacific Typhoon Belt o Western Pacific, kung saan nagmumula ang maraming bagyo dahil mainit ang temperatura ng dagat (Philippines - Destination Earth, 2024). Kilala na rin ang habagat bilang tagapagdala ng ulan. Dagdag pa rito ay nagkaroon ng pitong buwan ang pamahalaan upang paghandaan ang panahon ng tag-ulan, ngunit walang pagbabago at walang pag-asenso. Sa halip ay pinapasa nila ang responsibilidad sa kabataan at sa siyensya, mga naapektuhan ng maling pagdedesisyon ng pamahalaan.
Sa katapusan, hindi nakatutuwa ang naging aksyon ng mga LGUs na suspendihin ang klase nang nasa paaralan na ang mga estudyante dahil mas hindi ligtas para sa kanila, sa mga g**o, at magulang ang sitwasyong ito. Sa susunod sana ay mas maaga ang pagsuspinde ng klase, lalo na at may forecasts naman na ibinibigay na gawa ng ating mga siyentista. Itoโy maaaring pagbasehan kung lulubha ba ang panahon upang makagawa ng may kaalamang desisyon. Kailangan din maglatag ang ating pambansang pamahalaan ng audit sheet kung saan ipinapakita kung paano ginastos ang inilaan na badyet para sa flood control management programs. Nararapat na maghanap sila ng mga solusyon na kaakibat ang kalikasan, katulad na lamang ng pagtatanim ng mangroves sa mga coastal areas.
May mga ipinaglalaban ang mga kabataang Pinoy kaya sumasaludo ang lahat sa kanilang katataganโito ang kanilang mga pangarap. Kaya sinisikap nilang pumasok kahit suungin nila ang malakas na ulan at mataas na baha. Ngunit, sana naman ay gamitin ng mga namumuno ang kapangyarihang magdesisyon nang responsable at may katalinuhan upang ito ay hindi maging hadlang sa pagpupursigi ng estudyanteng Pilipino.
๐ด๐๐ ๐บ๐๐๐๐๐๐๐๐๐:
Baron, G. (2025, August 9). DOH opens leptospirosis fast lanes as cases surpass 2,300 nationwide. Daily Tribune. https://tribune.net.ph/2025/08/09/doh-opens-leptospirosis-fast-lanes-as-cases-surpass-2300-nationwide
Philippines - Destination Earth. (2024, April 10). Destination Earth. https://destination-earth.eu/case-studies/philippines
Zoleta, V. (n.d.). How to be Safe During the Rainy Season? Follow These Road Safety Tips. Moneymax. https://www.moneymax.ph/car-insurance/articles/safety-tips-when-driving-rainy-season
๐๏ธ Dibuho ni: Alex Silvederio
๐จ Disenyo ni: Angelique Abayari