04/08/2025
ANGONO, RIZAL — Mainit na sinalubong ng lokal na pamahalaan ng Angono, Rizal ang pagbubukas ng Promdi, isang prestihiyosong eksibisyon ng BAGSIK, ang kauna-unahang grupo ng mga manlilikhang sining mula sa Batangas. Ginanap ang pagbubukas nitong Sabado, Agosto 2, 2025, sa The Blanco Art Gallery and Family Museum, at dinaluhan ng mga kilalang personalidad sa sining at pamahalaan ng bayan ng Angono at lalawigan ng Rizal.
Pangunahing panauhin sa pagbubukas si Hon. Mayor Gerry Calderon, na nagpahayag ng taos-pusong suporta sa BAGSIK at sa adhikain nitong palawakin ang sining mula sa Batangas patungong Angono, kinikilalang Art Capital of the Philippines. Ani Calderon, ang patuloy na pagho-host ng bayan ng mga exhibit tulad nito ay nagpapatibay sa kanilang titulo bilang sentro ng sining ng bansa.
Dumalo rin bilang Guest of Honor ang tanyag na alagad ng sining na si Ginoong Nemesio Miranda, kilala bilang Ama ng Imaginative Figurism. Kasama rin sa mahahalagang panauhin si Gng. Joy Vocalan Cruz, pangulo ng LAMBANA (Angono Women Artist Collective), na nagpahayag ng suporta sa mas aktibong partisipasyon ng kababaihan sa sining.
Nakiisa rin sa okasyon si Konsehal Matthew Lagaya, Chairman ng Committee on Tourism ng Angono, at si Board Member Patnubay Tiamson, kinatawan ng Lalawigan ng Rizal. Nagbigay rin ng makabuluhang mensahe si Michael Blanco, direktor ng museo at anak ng yumaong maestro na si Jose “Pitok” Blanco, kung saan ibinahagi niya ang koneksyon ng kanyang ama sa Lungsod ng Batangas, isang makasaysayang ugnayan na nagbibigay ng mas malalim na saysay sa eksibisyong ito.
Nagpasalamat naman si G. Remo Valenton, pangulo ng BAGSIK, sa mainit na pagtanggap ng mga taga-Angono, at nagmungkahi ng posibleng eksibisyon ng mga alagad ng sining ng Angono sa Lalawigan ng Batangas sa hinaharap, isang panukalang bukas sa mas malawak na kolaborasyon ng dalawang art communities.
Pinangunahan ang programa ng pagbubukas ni G. Bill Perez, habang si G. Emmanuel Rigoberto Tolentino ang nagpakilala sa Guest of Honor. Ipinakilala naman ni Ark. Edwin Barrion, pangalawang pangulo ng BAGSIK, ang mga miyembro ng grupo na kalahok sa eksibisyon.
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Glenn Blanco, anak rin ni Pitok Blanco at isang visual artist, at ang kanyang kabiyak at assistant ng museo, Gng. Gem Yonzon Blanco at si Lady Vizconde na isa ring alagad ng sining na nagmula sa bayan ng Angono.
Tatagal ang eksibisyon mula Agosto 2 hanggang Oktubre 31, 2025, at bukas ito sa publiko. Isa itong makasining na pagkakataon upang masilayan ang malikhaing paglalakbay ng BAGSIK at ang patuloy na ugnayan ng sining mula sa Batangas at Angono, Rizal.