29/07/2025
NAKATAKAS NA PDLs SA BATANGAS PROVINCIAL JAIL, BALIK-KULUNGAN NA
Naibalik na sa kulungan ang 10 Person Deprived of Liberty (PDL) na nakatakas mula sa Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Ibaan, Batangas noong nagdaang Lunes, Hulyo 28.
Ayon sa ulat ng PNP, nakatakas ang mga PDL bandang alas-9:30 ng umaga sa pamamagitan ng pagtutok ng ice pick ng isang preso sa isang prison guard.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang Santo Tomas at Ibaan Police Station upang habulin ang mga preso.
Nilinaw naman ni Lt. Col. Marlon Cabataña, Chief of Police ng Sto. Tomas PNP, na hindi hinostage ng mga preso ang isang bus sa Batangas.
Aniya, sumakay ng pampasaherong bus ang limang preso at nagpanggap din bilang pasahero upang makatakas subalit agad din silang nahuli sa STAR Tollway sa boundary ng Tanauan City at Sto. Tomas City sa Batangas.
Kusang sumuko ang mga preso matapos ang halos 30 minuto pakikipag-usap sa mga pulisya.
Wala namang naiulat na sinaktan o nasaktang mga pasahero sa nasabing insidente.
“Gusto lang makausap ang pamilya, hindi naman daw sila lalaban, ang ginawa po namin para makasiguro na wala silang armas ay kinumbinse po natin sila na ilabas yung baril, pinalagay namin sa isang bag ng pasahero, nung ma-confirm namin na yun nan ga yung baril na hawak nila, in a safe distance ay nagkaroon po kami ng pag-uusap,” ani Cabataña.
Nakuha sa mga preso ang isang 9mm Llama pistol, mga bala, magazine, balisong, ilang piraso ng susi at pera na nagkakahalaga ng P59,673.
Samantala, ang ibang mga nakatakas na preso ay natunton naman ng mga awtoridad sa pamamagitan ng paggamit ng K-9 units at drone na may thermal imaging at night vision.
Dalawa sa mga preso ang nagsabing tumakas sila dahil umano sa pananakit na nararanasan nila sa loob ng kulungan.
Mahaharap naman sa karagdagang mga kaso ang sampung pugante kaugnay ng kanilang pagtakas.
Source: ABS-CBN News; Philippine Information Agency
📸 iStock