
09/09/2025
TINGNAN | Buwan ng Wika: Ipinagdiwang ng LCC Silvercrest JHS
Nagsagawa ng makulay na pagdiriwang ang LCC Silvercrest School JHS Department kaugnay sa selebrasyon ng Buwan ng Wika,noong Agosto 28, 2025, idinaos ang programa sa Carlos R. Mojares Gymnasium alinsunod sa temang "Ang Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagbuo ng Bansa."
Nagsimula ang programa sa pangunguna ni Bb. Ara Rogel at G. Warren Malaluan, mga tagapagdaloy ng programa. Bago tuluyang simulan ang pagdiriwang nagbigay ng maikling pahayag si Bb. Rosalinda Mercado, punong-guro ng departamento.
Binuksan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang pampasiglang bilang, mula sa samahan ng MATCoV at Ingles, na siyang nagbigay aliw sa mga manonood at kalahok. Kasunod nito, inumpisahan na ang paggawad ng mga parangal para sa mga nagwagi sa mga nakaraang patimpalak.
Sa larangan ng ‘Masining na Pagkukuwento’ nakamit ni Asean Christoff Olan, pangkat St. Jude ang kampeonato, gamit ang kaniyang angking galing sa pagbibigay ng naratibo. Nasungkit naman ni Kyle Erich Silvestre ang pinaka mataas na karangalan sa ‘Monologo’ na nagbigay parangal para sa kanyang pangkat — pangkat St. Michael.
Ipinamalas ni Nicole Sarmiento ng St. Patrick ang kaniyang husay sa ‘Tulang Pasalita’ na naging daan sa kanyang pagkapanalo. Nagpakita ng talento sa pag-indak gamit ang ‘Pasayawa Ko ‘Day’ sina Axel Jerk Gonzalez at Cyrene Ryza Mari Reyes ng St. Isabel, na naghandog ng nakakatindig-balahibong presentasyon.
Kinahapunan, ipinagpatuloy ang programa sa pangunguna ng samahang Agham at Sipnayan na nagpakita ng kanilang galing sa paghimig. Sa kabilang banda, sa pinaka-sentro ng pagdiriwang na katutubong sayaw — ang Jota Rizal, itinanghal na kampeon ang ika-8 baitang, at nag-uwi ng pinakamataas na parangal. Nakuha ng ika-10 baitang ang unang gantimpala, ang ika-9 na baitang ang ikalawa, at ang ika-7 baitang naman para sa ikatlong gantimpala.
Iginawad din ang sertipiko ng pagkilala sa mga hurado na sina Bb. Rosalinda B. Mercado, G. Joshua P. Juezan, at G. John Paul H. Oseo.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pangwakas na mensahe ni Bb. Hazel Mae V. Hernandez, ang namumuno sa samahan ng Filipino, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagmamahal at paggalang sa sariling wika bilang susi sa pagkakaisa at kalayaan ng bansa.
Caption by Lexie Tolentino and Jhoe Hane Llorca
Photos by Arabella Capati, Pio Dimaala, Lexene Magpayo, Rej Xyrish Gonzales, Aerhiel Landicho, and Reham Samsodin