08/04/2026
๐บ๐๐๐๐๐๐, ๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐!
Ni: Reonn Cretch Lastimoso
โKung nakuratan mo, mas nakuratan ko hahaha.โ
Ito ang unang naibulalas ni Charise D. Segubre nang isinapubliko ang listahan ng mga honor students at siya ang inatasang magbahagi ng mensahe ng pasasalamat sa araw ng kanilang pagtatapos.
Mula sa tahimik na Brgy. Sabang at galing sa pamilyang may payak na pamumuhay, alam ni Charise na tanging pag-aaral lamang ang susi upang makaraos ang pamilya sa kahirapan. Simula noong musmos pa lamang ay nakatatak na sa kaniyang isipan na tanging pag-aaral lamang ang ang magbibigay-katuparan sa mga pangarap niya sa buhay.
Hindi man niya nasungkit ang pinakamataas na marka sa kaniyang pagtatapos sa junior high school, ninanais niyang makapasok sa STEM strand ng Baybay City Senior High School. Hindi naman siya nabigo at isa siya sa mga piling mag-enrol ng STEM sa Grade 11. Sa unang araw ng pasukan, naghahalo ang kaba at saya: saya na siya ay nagtagumpay sa ninanais na pag-eenrolan at kaba dahil sa posibleng mga pagsubok na kahaharapin sa mga darating na araw.
Ang STEM ay isang strand na kadalasang itinuturing na โmas angatโ sa paningin ng marami dahil bago ka makapasok dito ay kailangan mo munang mapagtagumpayan ang isang pagsusulit, interview o mapabilang sa top 5 na academic achievers sa junior high school. Nasa kaniya naman ang lahat ng iyon ngunit hindi pa rin niya naiwasang mangamba, magduda, at mawalan ng tiwala sa kaniyang sariling kakayahan lalo pa at siya ay nasa bagong paaralan, bagong mga g**o, at bagong mga kaklase. Dahil mahiyain at tahimik lamang siya sa klase ay hindi siya gaanong nakasabay sa kaniyang mga kamag-aral. Mayroon lamang siyang nag-iisang kaklase na naging close sa kaniya ngunit mas ninais din nitong lumipat sa ibang paaralan. Sa pag-alis ng kaibigan, naiwan siyang nag-iisa at hindi sigurado sa kung ano ang naghihintay sa kaniya sa dako pa roon.
Di nagtagal, mas pinili niyang isakripisyo ang pinangarap na STEM strand at humanap ng ibang strand na magbibigay sa kaniya ng panibagong lakas para lumaban sa mga alwan ng buhay. Masakit mang isipin na ang pangarap niya ay kaniyang isasantabi, nandoon na siya sa puntong walang urungan at walang ibang puwedeng gawin kundi ang magbago ng landas.
Masakit man sa loob at mabigat man ang mga paa, pilit niya itong inihakbang palayo sa gusaling unang kumalinga sa kaniya at pumunta sa kabilang gusali: ang HUMSS Bldg. Alam niyang panibagong mga pagsubok na naman ang kaniyang haharapin ngunit sa puntong iyon para sa kaniya, ito ang nararapat.
Hindi naging madali ang bawat hakbang na ginawa ni Charise. Sa bawat reporting, ramdam niya ang paninikip ng dibdib. Sa bawat oral quiz, kasabay ng kaniyang pagsagot ang kaba at pangamba. Bilang isang taong aminadong mahiyain, ang pagtayo sa harap ng maraming tao ay tila isang pagsubok na paulit-ulit niyang hinaharap at unti-unting nilalampasan.
Gayunpaman, hindi lamang takot ang bumuo sa kaniyang karanasan. Nariyan din ang halakhakan kasama ang mga kaklase, ang mga simpleng sandali ng pagkakaibigan, at ang mga alaala na nagbigay-kulay sa kaniyang paglalakbay sa senior high school.
Lingid sa kaalaman ng lahat, ang tanging ka-kompetensiya ni Charise ay ang kaniyang sarili lamang. Batid niya na may mga strand na mas mahirap pa sa HUMSS ngunit hindi niya ito pinagtutuonan ng pansin. Alam niya rin na may mga magagaling talaga sa ibang mga seksiyon at ibang strand ngunit ang iniisip na lamang niya ay pagbutihin ang pag-aaral at paghusayan ang bawat gagawin para sa kaniyang pangarap at sa kinabukasan.
Ngunit sa likod ng katahimikang iyon ay isang paglalakbay na hindi biro. Isang desisyong hindi madali, lalo na sa mundong mabilis humusga. May mga nagkibit-balikat at nagtaas ng kilay nang malaman na nakuha niya ang pinakamataas na karangalan.
โDili siya deserving kay taga HUMSS siya, dili siya taga STEM.โ โKung ABM lang unta siya, madala ra unta to!โ Ito ay iilan lamang sa mga naririnig niyang bulong-bulungan. Simple pero masakit. Pahapyaw pero tagos. Payak ngunit humati sa kaniyang puso at pakiwari niya ay isang mantsa sa kaniyang pagkatao.
Ito ang ilan sa mga hindi maikakailang bulong na umiikot at kayang sumugat, mga tingin na tila ba may kinukwestyon. Sa isang sistemang naglalagay ng marka sa kakayahan ng estudyante batay sa kanilang strand, hindi maiiwasan ang pangmamaliit. Ngunit sa halip na magpatinag, pinili ni Charise na manahimik at patunayan ang sarili sa paraang alam niya.
Nang dumating ang araw ng pagtatapos, at siya ay tumayo sa entablado bilang mag-aaral na may pinakamataas na karangalan, hindi maitatanggi ang bigat ng sandali. Isipin na lamang ang bawat hakbang papunta sa mikropono ay may kasamang kaba. Ang bawat salitang bibitawan ay maaaring husgahan. Alam niyang ang ilan sa mga nakikinig sa kaniya ay sumuporta, ngunit may iilan ding nagdududaโkinailangan niyang lakasan ang loob.
Sa sandaling iyon, hindi lamang siya nagsasalita bilang isang estudyante. Nagsasalita siya bilang patunay na ang talino ay hindi nasusukat sa strand. Patunay na ang tahimik ay may kakayahang manguna. Patunay na ang paglipat ng landas ay hindi pagtalikod, kundi paghahanap ng lugar kungsaan ka tunay na lalago.
Hindi naging madali ang pagtanggap sa mga inaasahan ng iba. Aminado si Charise na may mga panahong siyaโy napi-pressure. Natatakot na baka hindi niya matugunan ang imahe na ipinapataw sa kaniya. Ngunit sa tulong ng kaniyang pamilya, kaibigan, at pananalig sa Diyos, natutuhan niyang paniwalaan ang sarili kahit pa may mga taong hindi agad naniwala sa kaniya. Hindi man siya nagtagumpay sa STEM, alam niyang may mas malaking plano ang Diyos sa kaniya. Ang kaniyang tagumpay ay hindi lamang bunga ng talino, kundi ng tiyaga, paninindigan, at tapang na harapin ang pagdududa mula sa iba at maging sa sarili.
Ngayon, matapos ang lahat, pinipili ni Charise ang isang simpleng hangarin, ang magpahinga, makasama ang pamilya, at namnamin ang tagumpay na kaniyang pinaghirapan. Hindi lamang ang unang puwesto ang nakuha niya sa pagkakataong ito, pumasa rin siya sa entrance examination ng Southwestern University sa kursong BS Nursing.
Sa isang sistemang matagal nang naghahati-hati sa kakayahan ng mga estudyante batay sa kanilang strand, ang kuwento ni Charise ay nagsisilbing paalala: hindi dapat maliitin ang sinuman dahil lamang sa kanilang piniling landas. At sa pagdating ng mas pinagtibay na kurikulum, kung saan inaasahang mawawala ang ganitong uri ng paghahambingโnawaโy tuluyan nang mabuwag ang mga label na matagal nang humahadlang sa tunay na potensiyal ng bawat mag-aaral. Sa isang mundong puno ng ingay at paghusga, minsan, ang tunay na nagtatagumpay ay hindi ang pinakamalakas ang boses kundi ang may lakas ng loob na magpatuloy, kahit tahimik.
(grapiks ni Klarense B. Besas)