03/05/2025
Ito talaga ang isa sa pinaka kinatatakutan ko bilang magulang.
Hindi ang pagod, hindi ang puyat, hindi ang pagsubok, kundi ang posibilidad na bigla kaming mawala at iwan ang anak naming bata pa, walang muwang, walang laban sa mundo.
Yung mag-asawang engineer na nasawi sa aksidente sa STEX, habang kasama ang anak nila—napakabigat sa puso.
Hindi ko sila personal na kilala, pero bilang magulang, parang nadurog ang loob ko.
Buti na lang, nakaupo sa car seat yung bata.
Isa 'yun sa mga bagay na minsan ay binabalewala ng iba, pero sa ganitong sitwasyon—literal na life-saver ang car seat.
Car seat lang na nga yon, sa loob ng sasakyan na may pinto at seatbelt, at naaksidente pa rin.
Paano pa kaya yung mga batang sinasakay sa motor?
Walang helmet, walang harness, walang kahit anong proteksyon?
Kung mahal mo ang anak mo, hindi mo siya isasakay sa motor na parang laruan lang ang buhay niya.
Hindi sapat ang paghawak lang sa likod. Hindi sapat ang “sandali lang naman.”
Dahil minsan, isang sandali lang talaga ang kailangan para tuluyan nang mawala ang lahat.
Tayong mga magulang ang unang proteksyon ng anak natin sa mundong ito.
At minsan, hindi sapat ang pagmamahal kung walang aksyon.
Ingatan natin sila. Ingatan natin ang sarili natin.
Dahil sa bawat pag-alis natin ng bahay, may isang batang nananalangin (kahit hindi niya alam) na sana, makauwi pa si mama at papa.
Lord, pahabain Mo ang buhay ng lahat ng magulang, hindi para sa amin, kundi para sa batang umaasa sa pagmamahal at presensya namin araw-araw.
At sa mga magulang ng batang naiwan...
Gabayan Mo po sila.
Ipaabot Mo sa anak nila ang pagmamahal na hindi na nila kayang ibigay sa pisikal na paraan.
Ikaw na po ang maging sandalan, protektor, at ilaw ng batang ito habang lumalaki.
At sana, kahit wala na sila dito sa mundo—ang alaala nila ay magsilbing lakas at liwanag sa buhay ng anak nilang naiwan. 🙏