13/09/2025
MOGPOG, Marinduque -- Naging mainit ang talakayan sa social media matapos magkomento ang ilang residente at opisyal sa post ni dating Vice Governor Adeline Angeles tungkol sa naganap na public hearing hinggil sa Sabo Dam Project.
Ayon kay Seller Nolos, residente, malaking tanong kung paano nakapagsimula ang proyekto kahit umano’y hindi dumaan sa Sangguniang Panlalawigan. Giit niya, hindi tutol ang Mogpog sa mga hakbang pangkaligtasan, ngunit ang isinusulong ay malinaw na proseso, sapat na pondo, at buong partisipasyon ng komunidad.
Tugon ni Former Vice Governor Angeles, walang naitalang opisyal na komunikasyon mula sa DPWH o DENR-MGB sa Sangguniang Panlalawigan, kaya’t wala ring resolusyon ukol dito.
Nagbigay naman ng pahayag si Vice Governor Romulo Bacorro, Jr., na dapat ay hindi nauuna ang implementasyon kaysa requirements. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Executive Order 32 para sa mas maayos na check and balance at upang maiwasan ang mga “insertions” sa proyekto.
Nagpahayag din ng mga tanong si Kyle David Atienza, residente ng Mogpog, hinggil sa legalidad ng notice to proceed, posibleng epekto ng suspension sa winning bidder, at pinagmulan ng pondo. Ayon kay Angeles, isang public hearing sa Barangay Bocboc noong Marso ang kinonsidera ng DPWH bilang consultation requirement, ngunit naniniwala siyang dapat mas malawak at inclusive ang konsultasyon. Dagdag niya, ang pondo ay mula sa regular na budget ng DPWH na kasama sa National Expenditure Program.
Sa kabila ng iba’t ibang pananaw, malinaw na lumalabas ang tatlong pangunahing isyu: ang kakulangan ng mas malawak na public consultation, ang pangangailangan ng mas malinaw na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya at LGUs, at ang agam-agam sa integridad ng proyekto bunsod ng pagbabago sa budget.
Nanatiling bukas ang usapin, ngunit malinaw na nananawagan ang maraming taga-Mogpog na isuspinde muna ang implementasyon hanggang matiyak ang transparency, accountability, at partisipasyon ng komunidad sa mga susunod na hakbang. (📷 Macec Marinduque)