11/07/2025
July 11
Let Us Pray No. 193
Sapagka't napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin. Roma 8:18
Abba, aming Ama, buong kasabikan na aming pinasimulan ang taon na ito pagkat nalalaman naming magdadala sa amin sa lalong dakilang espiritwal na paglago at pagdami.
Buong saya at buong ingat na kami ay humakbang sa landas ng pagpapakapuspos ng kabanalan sa aming buhay.
Tunay, Panginoon, ang Iyong mga salita ay nagpapakain sa aming mga kaluluwa upang makapagpanibagong lakas at manariwa sa espiritu na hindi pa namin naranasan kailanman. Nasumpungan namin ang aming mga sarili na ginagawa ang mga bagay para sa Iyo na hindi namin dating nagagawa. Napagtagumpayan namin ang mga kasalanan at ang mga tukso na naging dahilan ng aming pagbagsak noon.
Lumalakad kami ngayon na may malinaw na pagkaunawa sa Iyong mga daan at kalooban.
Ang lahat ng Iyong ginagawa para sa amin at para sa Iyong Iglesia sa kabuuan ay tunay na nagpapamangha sa amin.
Ang Iyong mga salita ay tunay na nagtataglay ng kapangyarihan upang kami ay mapagpanibagong anyo mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian hanggang sa kami ay maging ganap Mong kalarawan, na nagtataglay ng kagandahan ng kabanalan.
Kami, Panginoon ay hindi makakarating sa kalagayang ito nang wala ang Iyong tulong.
Ukol dito, hinihiling namin sa Iyo na huwag Mo kaming iiwan ni pababayaan.
Samahan Mo kami sa bawat segundo at bawat minuto ng aming buhay.
Hindi kami magtatagumpay nang wala Ka sa aming piling sapagkat Ikaw ang aming kalakasan at ang aming pag-asa, ang Batong aming kanlungan na nagsasanggalang at upang kami ay maging matagumpay laban sa aming mga kaaway. Panginoon, dalangin namin na habang kami ay nahaharap sa mga pagsubok, bigyan Mo nawa kami ng katatagan at sikap na luwalhatiin Ka pagkat kami ay Iyong mga anak na tagapagdala ng Iyong Banal na Pangalan.
Alang-alang sa Iyong Pangalan, tulungan Mo po ang bawat isa sa amin na maipagwagi namin ang aming sariling laban na aming kinakaharap.
Alam Mo ang mga kadalamhatian, paghihirap, pasakit na nararanasan ng aming katawan gayundin ng aming mga kaluluwa.
Nawa po ay ganap at buong-buo na maisuko namin ang aming buhay sa Iyo, mahal na Panginoon.
Batid namin na ito lamang ang tanging paraan upang mapagtagumpayan namin maging ang aming sarili at ang aming pisikal at espiritwal na paghihirap.
Oh Dios, batid naming ito ay habang buhay na pakikipagbaka na maghahatid sa amin sa ibayong kaluwalhatian kaysa sa mga sakripisyong aming nagawa. Amen.