01/12/2025
Balitang JILCF | Dalawang Jilian, wagi sa Provincial Schools Press Conference 2025
Dalawang mag-aaral mula sa Jesus Is Lord Colleges Foundation (JILCF) ang nag-uwi ng parangal sa Provincial Schools Press Conference (PSPC) 2025 na ginanap noong November 28, 2025 sa Bunsuran National High School, Pandi, Bulacan, na dinaluhan ng mga campus journalist mula sa mga pribado at pampublikong paaralang nagwagi sa nakaraang Division Press Conference.
Si Erick Nathaniel Marcelo ay nagwagi bilang 4th Place sa Editorial Cartooning – Filipino, habang si Nicholas Bryan Andrei Briones naman ay nagwagi bilang 5th Place sa Column Writing – Filipino. Dahil dito, parehong pasok ang dalawang Jilian sa PSPC Final Rounds na nakatakdang idaos sa December 10, 2025 sa San Rafael, Bulacan.
Sa ginanap ding awarding ceremony, opisyal na kinilala ang JILCF bilang rank 3 Top Performing School para sa nakaraang Division Schools Press Conference (DSPC). Ginawaran din si Mr. Louel Jay E. Tayras, Publication Adviser, bilang rank 2 (Filipino) at rank 3 (English) Top Performing School Paper Adviser sa ikalawang dibisyon.
Patuloy na ipinapakita ng JILCF ang husay, dedikasyon, at galing ng mga batang mamamahayag na handang makipagsabayan sa lalawigan at sa mas mataas pang antas.