03/06/2025
KAPE.
Tuwing umaga bago pa sumikat ang araw, nakikita ko na sa aming mesa ang timpladong kape ng aking ama. Hindi ito mamahalin kundi ordinaryong kape lamang. Minsan nga binusang bigas ang kanyang ginagawa, babalutin niya ito sa isang malinis na tela at pakukuluan sa takure upang makagawa ng isang masarap at mainit na kape.
Sa bawat lagok niya, naroon ang tahimik na pagninilay, ang titig sa malayo, at ang tila di-natitinag na pananampalataya sa bukas.
Ang kape sa aming tahanan ay hindi lamang inumin — ito ay simbolo ng kanyang kasipagan. Siya ay magsasakang gumigising sa madaling araw, nagsasaka sa ilalim ng araw, at uuwi sa dilim, dala ang pagod ngunit may ngiti pa rin. Kung magkaminsan, sa panahong walang ani sa bukid kaagapay niya ang kanyang tricycle para pumasada upang matustusan ang aming mga pangangailangan sa araw-araw.
Sa tuwing ako ay uupo sa tabi niya habang siya ay umiinom ng kape, ikinukuwento niya ang kanyang mga pangarap — para sa amin, para sa sarili at para sa aming kinabukasan.
Bagaman maraming taon na ang lumipas, at siya ay namaalam na, tuwing umiinom ako ng kape, tila naroroon pa rin siya. Dama ko ang init ng kanyang sipag, ang pait ng kanyang sakripisyo, at ang tamis ng kanyang mga pangarap na unti-unti naming tinutupad.
Ang kape—isang tasa ng alaala, at isang paalala ng dakilang ama na ang kasipagan ay naging pundasyon ng aming kinabukasan.