28/08/2025
"HINDI AKO PROUD NA SEAMAN'S WIFE"
Dalawampu’t anim na taon na kaming mag-asawa ng marino kong kapitan. Pero sa lahat ng panahong iyon, hindi ko kailanman naramdaman na naging tunay akong asawa. Hindi ko kailanman naramdaman na ako ang legal wife niya—dahil sa bawat kilos at salita niya, pakiramdam ko parang wala akong halaga.
Kapitan siya ng barko. Malaki ang sahod. Pero para bang ako ang pinak**alaking kawalan sa buhay niya. Ang masakit, self-allottee siya. Ayaw niyang ako ang humawak ng pera. Gusto niya hawak pa rin niya lahat.
Yung allowance ko na 35k, gusto pa niyang bawasan. Pag dumarating ang home allotment, imbes na magpasalamat siya dahil matipid ako, siya pa ang nagagalit. Para bang bawat sentimo ay bigat sa dibdib niya kapag napupunta sa akin.
Diyos ko, sa stress na dinadala ko, 39 kilos na lang ako. Ang dating masiglang babae, ngayo’y payat, halos buto’t balat, at puno ng sugat sa damdamin.
"Akala ko kapag asawa ka ng seaman, maayos ang buhay."
Pero bakit ganito? Ang laki ng sahod niya, pero sa akin, parang walang laman. Buti na lang may maliit akong tindahan—dahil kung hindi, baka matagal na akong sumuko.
Pinak**asakit sa lahat, kapag ako ang humihingi ng pera, lalo na sa emergency, utang daw. At kailangan ko pang bayaran. Pero kapag ibang tao ang lumapit, galante siya. Nakakatawa, hindi ba? Kapitan siya sa barko, tinitingala ng iba, pero sa akin, na asawa niya, pinaparamdam niyang wala akong ambag.
Naalala ko pa nung iniwan ko ang trabaho ko noon para maging full-time mom. Ang sabi niya,
“Magpahinga ka, ako na bahala.”
Pero ngayon, kapag nag-aaway kami, sasampalin niya ako ng mga salitang,
“Kung hindi dahil sa akin, hindi ka kakain tatlong beses sa isang araw.”
Diyos ko, ang sakit. Wala bang halaga ang pag-aalaga ko sa mga anak? Wala bang halaga ang lahat ng pagsakripisyo ko? Ako ang nagbantay, nagpalaki, nag-alaga.
"Pero bakit parang wala akong ambag sa pamilya namin?"
At higit sa lahat… ilang beses na siyang nambabae. Hindi isa, hindi dalawa—walong beses. At kahit paulit-ulit na akong umiiyak, paulit-ulit na akong nagmamakaawa, wala siyang pagsisisi. Sa halip, parang proud pa siya. Lagi siyang galit, laging ako ang mali. Parang wala siyang konsensya.
Oo, kapitan siya ng barko.
"Pero sa bahay, kapitan din siya ng pighati at sakit."
Mapang-api sa akin, pero sa mga kabit at ibang tao, galante. Hindi ko na nga alam kung bakit nananatili pa ako. Siguro dahil sanay na akong masaktan. Siguro dahil natatakot akong tuluyang bumitaw. Pero totoo? Wala na akong pagmamahal sa kanya. Matagal na.
Kahit sa mga simpleng bagay, hindi ko ramdam ang respeto. Wala akong hawak na kopya ng kontrata niya. Kahit bank account, wala akong alam. Lahat may pin code. Lahat may sikreto. At ako?
"Ako, asawa niyang legal, pero parang palamuti lang sa bahay."
Hindi ako proud na tawagin ang sarili kong asawa ng seaman. Hindi ako proud na 26 years akong nanahimik, tiniis, at nagpakapipi sa sakit
Pero kahit nasasaktan ako ay patuloy pa din ako sa pagdarasal:
“Panginoon, Ikaw na lang ang nakakaalam ng lahat ng sugat sa puso ko. Ikaw ang nakakaalam ng mga gabing umiiyak ako nang palihim, habang siya’y natutulog o habang malayo siya sa barko. Bigyan Mo po ako ng lakas—lakas para tumindig, lakas para piliin ang tama, at lakas para ipaglaban ang sarili kong halaga. Huwag Mo akong hayaang mawala ang tiwala ko sa sarili at sa pagmamahal Mo. Palayain Mo ako sa tanikala ng sakit at takot. Amen."
Hindi lahat ng asawa ng seaman ay masaya. Hindi lahat ng asawa ng kapitan ay nakararanas ng marangyang buhay. Dahil pera man ay kayang kitain, pero ang respeto, tiwala, at pagmamahal—hindi nabibili. Kung tunay kang asawa, hindi mo dapat maramdaman na nag-iisa ka. At kung tunay kang mahal, hindi mo dapat maramdaman na pabigat ka. Sa huli, hindi ang pera, hindi ang ranggo, kundi ang puso ang batayan ng tunay na tagumpay sa pamilya.