26/06/2025
"Siya na ba, Lord?"
Isang Tahimik na Tanong ng Pusong Naghihintay
Christian siya. Godly. Naglilingkod. Marunong mag-share ng Word. Sa panlabas, parang wala ka nang hahanapin pa. Kaya napapatanong ka, "Lord, siya na ba?"
Pero habang tumatagal, natutunan kong hindi porket pareho kayo ng paniniwala, ay ibig sabihin na kayo ang itinakda para sa isa’t isa. Oo, mahalaga na parehong Kristiyano. Pero hindi iyon ang sukatan ng “right person.” Kasi kahit ang mga Christian, pwedeng hindi ilaan ng Diyos para sa isa’t isa.
Ang tanong pala dapat ay ito:
Sa presensya niya, lumalalim ba ang relasyon ko sa Diyos? Hindi ba’t ang tunay na katuwang ay hindi lang 'yung kasama mong mag-pray, kundi ‘yung hinihikayat kang mamuhay nang may kabanalan kahit hindi ka nakatingin?
Minsan, nadadala tayo sa imahe: active sa ministry, magaling magsalita, mabait. Pero ang tanong ay: May bunga ba? Tahimik ba siyang nagmamahal? May paggalang ba sa Diyos kahit walang audience? At ako, ako ba ay nagiging mas mapagpakumbaba, mas mapanalanginin, mas nakasandal sa Diyos dahil sa kanya?
Hindi sapat na godly siya. Dapat, dala niya ang kapayapaan. Hindi yung kilig na kinikilig ka kasi bagay kayo, kundi yung kapayapaan na kahit walang label, alam mong may Diyos sa gitna.
Hindi rin lahat ng mabubuting tao ay “para sa iyo.”
May mga taong ginagamit lang ni Lord para ituro kung paano maghintay. Para itama ang puso mo bago Kanyang ibigay ang talagang inilaan Niya.
Kaya habang hinihintay mo ang sagot, huwag mong hawakan ang relasyon, hawakan mo ang Diyos. Kasi kung siya nga ang itinakda, hindi mo kailangang ipilit. Dadating siya nang may kapayapaan at kumpirmasyon.
At kung hindi man siya, hindi ka lugi.
Dahil sa bawat tanong na “Siya na ba, Lord?” ang pinakamahalagang sagot ay: “Ako ang kasama mo, anak. Ako muna.”
—RiftProofSoul