12/12/2024
Umupo ka muna.
Dahil kahit paulit ulitin mo pang kumbisihin ang sarili mong maglakad ay maaring mauhaw ka parin. Maaring lamigin ka pa rin. Maaring dumidepende ka parin sa sinag ng araw o sa lakas ng ulan,kung nag umaga na o kaya'y nagdilim. Depende pa rin sa layo o lawak ng lalakarin,sa bigat o gaan ng bibitbitin,at kung paano mo nagagawang magtungo sa lugar na 'di madaling hanapin?
Di ka naman di-baterya pero pinipilit mo pa ding umandar. Walang makinarya o gasolina ngunit patuloy ka pa din sa pagtakbo. Araw-araw mong niyayakap ang usok sa lansangan at pinahintulutan mong gisingin ka ng buwan,kahit na gusto mo pang matulog. Patuloy ka pa din sa pagkayod sa pamamagitan ng lakas at katawan,o puso sa isipan.
Madalas mo ding kasabikan ang pamamahinga. Hindi sa lugar na palagi mong dinadaanan. Hindi sa palagi mong kinakainan. Hindi sa lagi mong pinupuntahan upang ikaw ay mapagod. Gusto mong umalis,at humingi ng enerhiya,ng lakas at tibay ng loob. Gusto mong magsumbong sa bundok,o umiyak sa napakalalim na dagat. Gusto mong sa buong kalawakan ay magtapat - na ngayong araw ay hindi mo muna na kaya.
Umupo ka muna. Aminin mo muna,na kailangan mong ipahinga. Upo ka muna,mangarap ka muna ng sobra pa sa sobra. Upo ka muna,Umisip ka muna ng malalim pa sa malalim. Pumaraan pa sa unang paraan,at umupo ka muna at makiramdam. Dahil hindi mo kailangang magmadali,hindi nagmamadali ang buhay. Umupo ka muna,at hayaan mong ikaw naman ang umiksena sa palabas na ikaw mismo ang Bida.
Umupo ka muna.