20/04/2026
Tahimik Naman ….
Minsan mapapaisip ka na lang ganito pala talaga kabilis ang panahon. Dati, sabay-sabay kayong kumakain, maingay ang bahay, may nag-aaway, may nagbibiruan, at laging may presensya ng mga magulang na parang hindi mawawala. Akala mo normal lang ‘yon, na paulit-ulit lang ang ganung eksena habang buhay.
Ngayon, pag uwi mo, iba na. Tahimik na. Yung mga dating kwarto na puno ng gamit at kwento, parang may kulang na kahit anong ayos mo, hindi na mababalik. Dalawa na lang kayo ng ate mo, at ikaw pa, malapit nang umalis ulit. Parang bawat pag-alis, may konting piraso ng “dati” na tuluyang nawawala.
Ang sakit lang isipin na dati, ang iniisip mo lang ay makaalis, makapag-abroad, makahanap ng sariling landas. Pero ngayong nandito ka na sa puntong paalis ka ulit, doon mo mas nararamdaman kung gaano kahalaga yung mga simpleng sandali na akala mo ordinaryo lang.
Siguro ganito talaga hindi mo mapipigilan ang pagbabago. Hindi mo mapapabagal ang oras. Pero dala mo pa rin naman lahat ng ‘yon yung ingay, yung saya, yung buo kayo. Kahit tahimik na ang bahay ngayon, hindi ibig sabihin na wala na. Ibig sabihin lang, nag-iba na yung paraan kung paano kayo magkakasama.
At minsan, ang pinaka-masakit na realization:�Hindi pala nawawala ang “pamilya” pero darating yung panahon na hindi na sila sabay-sabay sa iisang bubong, kundi sabay-sabay na lang sa alaala.