16/03/2026
Trono ng Kasalanan
Ni: Kimber Mark Pasaoa
Sa mundong binalot ng mga hadlang at pagsalungat, may isang bagay na hindi kayang pigilan ng kahit ano mang puwersa.
Ang pag-ibig.
Kalapastangan. Kung aalamin ang depinisyon nito sa diksiyonaryo, ito ay nangangahulugang pag-aalipusta o pagsalangsang sa mga batas, tradisyon, o kaugalian ng lipunan.
Ngunit sa himig ng awiting ‘Kalapastanganan’, salungat ang nais nitong ipaalam.
Madilim na laban sa gitna ng kalapastanganan. Sa ilalim ng mga bituin, habang ang mga pusong nag-iinit ay naghihintay ng kalayaan mula sa mga tanikala ng umaalab na pag-ibig at pagpupunyagi.
May tunog. May himig na pilit sumisiksik.
May himig na nagpapanginig ng kilabot sa mga pusong nababalot ng pag-ibig.
Sa bawat pintig ng musika, parang isang karayom na tumutusok sa puso na magluha ng dugo.
Sa bawat ritmo ng kanta, parang tinik na dahan-dahang sumusugat at winawasak ang dibdib.
Sa malamig na boses ng umaawit, parang isang pagtangis. Kalapastangan ang tanging sukli.
Pag-ibig na tinadhana, ngunit hindi pinahintulutan ng lipunang magsama.
Dalawang pusong pilit pinayabong ang pag-ibig, ngunit sa huli, may bungang hindi mabubura sa isang kisapmata.
Sa isang trono na pinakintab ng mga lumang tela na ginamit ng kalapastanganan, nakaupo ang isang pusong naghihintay ng kalayaan.
Ngunit paano nga ba makararating sa trono kung ang landas tungo rito ay hinahadlangan ng kalapastangan?
Kailan makatatabi? Kailan mayayakap? Kailan muling magsasama ang mga pusong pinag-uusig ng kalapastanganan?
Tunay ngang wala ang langit sa himpapawid. Wala sa kailaliman ang impyerno, sapagkat ito ay nasa puso ng mga taong sugatan at hinahadlangan ng kalapastangan.
Hinahadlangan ang bawat paghakbang. Hinahadlangan ang bawat paglingon. Hinahadlangan ang bawat pagtikhim.
Ang alaala ng isang pag-ibig na hindi makalimutan, kahit ang impyerno ay gumugulo sa isipan—ang langit ay bumubulong ng mga alaala na nagpapahinto sa pusong sugatan.
Masakit pakinggan. Mahirap maunawaan. Ngunit may maikling pagsubol. Sa pagtanggap ng pag-ibig, ang mga anghel ay nag-awitan ng isang matamis na himig na nagbigay ng pag-asa sa pusong naghihintay ng katapusan.
Mga luhang nagbabadyang mag-unahan sa pagpatak ay kusang nabuwag sa mga titig na nagtagpo. Mga luha ng kalungkutan ay napalitan ng ngiti ng kalibutan. Ngunit may tila malakas na tambol ang gumising at nagmulat sa bawat puso ng katotohanan. Pinabagsak ang mga pusong naghihintay. Isang ilusyon. Mabilis. Malabo.
May matinis na himig. Masakit sa tainga. Nag-iwan ng nakabibinging linya.
“Mamamatay akong nakangiti, kapag ikaw ang nasa aking tabi.”
Huling hiling ng isang pusong pinilit hadlangan ng kalapastanganan. Himig na hindi namamatay, pusong nag-iinit na makatanggap ng kalayaan na makawala sa isang kalapastanganan.
Ang awit ng pag-ibig na hindi mamamatay, magpapatuloy ng pag-asa sa mga pusong naghihintay ng kalibutan.
Tumapak man sa mga bubog at hayaan ang mga paang magdugo. Humawak man ng kutsilyo at hayaan ang mga kamay na paulit-ulit saksakin ang pusong binalot ng kalapastanganan.
Nilalaman ng puso ay mananatiling hindi masasaktan. Binalot man ang panahon ng kalapastanganan. Ikaw ay mananatiling pipiliin hanggang katapusan. Nawa’y sa susunod na buhay, hayaan na ang mga pusong maging malaya. Banayad na, malayo sa anumang pagdurusa.
Idinisenyo ni: Maria Elijah Nolasco