10/07/2025
🚨 BREAKING: Bulk Carrier Eternity C tinamaan ng rocket-propelled grenades sa Red Sea — 4 patay, ilan nawawala😢
RED SEA — Noong Hulyo 7, inatake ang bulk carrier na Eternity C, isang barkong may bandilang Liberian, sa Red Sea gamit ang mga sea drone at mabilisang bangka (fast boats). Ang insidente ay naganap sa layong humigit-kumulang 50 nautical miles timog-kanluran ng Port of Hodeidah, Yemen.
Ang barko ay pinamamahalaan ng Greek shipping firm na Cosmoship Management at may sakay na 22 tripulante—21 sa kanila ay mga Pilipino at 1 ay Ruso. Ayon sa kumpanya, pinaputukan ang barko ng maraming skiff at sea drones. Tinamaan ang tulay ng barko at napinsala ang mga sistemang pangkomunikasyon.
Kinumpirma ng EU naval force na Aspides na hindi bababa sa apat (4) na rocket-propelled grenades (RPG) ang pinakawalan mula sa apat na speedboat patungo sa Eternity C. Samantala, iniulat ng United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO) noong Hulyo 8 na patuloy na inatake ang barko ng maliliit na bangka, na nagresulta sa matinding pinsala at pagkawala ng propulsion o kakayahang umandar ng barko.
Ayon sa ulat ng Reuters, dalawang tripulante ang nasugatan at apat ang nasawi sa mismong pag-atake at mga sumunod na pangyayari.
Sa pinakahuling ulat mula UKMTO nitong Hulyo 9, lima ang na-rescue sa ginagawang search and rescue operation. Kabilang sa mga nailigtas ang apat na tripulante at isang pribadong maritime security contractor. Patuloy pa rin ang paghahanap sa iba pang nawawalang tripulante.
Wala pang grupong umaako sa responsibilidad ng pag-atake sa Eternity C.
Ang Eternity C ay isang bulk carrier na itinayo noong 2021. May haba itong 186.7 metro at lapad na 27.8 metro.