12/12/2025
Mahirap talaga kapag tauhan mo na ang bumaliktad dahil lalabas ang mga sekreto!
Ibinunyag ng isa umanong dating “bagman” ni Vice President Sara Duterte na pinondohan ito ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at drug money sa kampanya ng huli noong 2022 elections.
Sa kopya ng affidavit na nakuha ng Abante, sinabi ni Ramil Lagunoy Madriaga na noong 2020, ayon umano sa utos ni noo’y Davao City Mayor Sara Duterte, binuo niya ang grupong Inday Sara Duterte Is My President (ISIP) kasama ang ilang kaklase ng Bise Presidente sa San Sebastian College of Law, kung saan din daw siya nag-graduate.
Pinondohan umano ang ISIP Pilipinas ng POGO operators at drug dealers.
“The funding for the ISIP Pilipinas national campaign (2021–2022), along with other parallel groups, came from POGO operators and drug dealers,” pagbubunyag niya.
“I was able to identify several of these individuals during my frequent pickups of cash-filled bags at locations such as The Gate in Pampanga, Vertis North Mall and Seda Hotel in Quezon City, and the Grand Hyatt in BGC,” dagdag niya.
Ayon kay Madriaga, naiparehistro nila sa Securities and Exchange Commission ang ISIP Pilipinas at siya ang naging National Convenor nito.
Nang manalo si Sara bilang Vice President, siya naman umano ay inatasang bumuo ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) para sa seguridad at intelligence work ni VP Sara.
Dito umano niya pinakilala at nirekomenda si Col. Dennis Nolasco, na isa umano sa mga estu¬dyante niya sa Presidential Security Group (PSG). Si Col. Nolasco naman umano ang kumuha kay Col. Raymund Dante Lachica para pamunuan ang VPSPG.
Kabilang umano sa trabaho nila ang mag-transport ng malaking halaga ng pera sa iba’t ibang tao, ayon umano sa utos ni VP Sara.
Isang duffle bag umano na puno ng pera ay dineliver sa isang comedy bar na pag-aari at binibisita ng mga alumni ng SSC-Law na matatagpuan sa lugar ng Timog. Pagdating daw niya ay nakita niya si OVP Spokesperson Reynold Munsayac, dating kaklase ni VP Sara, at iniwan ang pera sa opisina nito.
Isa pang duffle bag na may lamang pera ang iniwan sa sasakyan na hinatid umano niya sa Ombudsman parking compound.
Wala pang pahayag ang Bise Presidente tungkol sa umano’y affidavit ni Madriaga.
Ayon naman sa isang report, si Madriaga ay lider ng notorious Madriaga Kidnap for Ransom Group na naaresto noong 2023. Si Madriaga, 55-anyos, kasama ang buong miyembro ng nabanggit na kidnap for ransom group, ay nalansag ng PNP Anti-Kidnapping Group noong Hulyo 12, 2023 sa Cainta, Rizal.