27/06/2025
Beybi ibinenta ng ina sa P13K, binawi at tinaasan sa P52K
LUCENA CITY, Philippines — Isang 23-araw na gulang na sanggol ang nailigtas matapos ibenta ng sariling ina sa halagang P52,000 sa isang mag-asawa, sa tulong ng isang midwife sa Barangay Bocohan, sa lungsod ng Lucena, noong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa Lucena City Police, ang biktima ay isang batang babae na isinilang noong Hunyo 3, 2025.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos magsumbong ang lola ng sanggol sa Lucena City Police Station na ibinenta ng kanyang anak ang sanggol sa isang mag-asawang taga-Pagbilao, Quezon.
Sa ulat ng WCPD investigators, ipinakilala ng isang 49-taong gulang na lisensyadong midwife ang ina sa nasabing mag-asawa noong Hunyo 21, 2025 sa isang maternity at birthing clinic, matapos humingi ng tulong ang ina upang makahanap ng mag-aampon o bibili ng kanyang anak.
Nagkaroon ng unang transaksyon noong Hunyo 21 ng hapon sa parking area ng isang mall sa Barangay Ibabang Dupay at napagkasunduan ang halagang P13,000. Ngunit makalipas ang tatlong araw ay binawi ng ina ang sanggol, bago muling isagawa ang transaksyon noong Hunyo 25 ng hapon sa parking area ng isa pang mall sa Barangay 3.
Sa pagkakataong ito, itinaas na sa P52,000 ang presyo ng sanggol. Nang masaksihan ito ng lola, ay agad siyang nagpasya na i-report ang pangyayari sa pulisya dahil sa pagkabagabag ng kanyang konsensya.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang Lucena WCPD sa tulong ng Lucena CSWDO, Quezon PPO, WCPC-Camp Crame, at RMFB4A, na nagresulta sa pagkakadakip ng mga sangkot at ligtas na pagkakasagip sa sanggol.