
08/07/2025
TINGNAN | Isang kahanga-hangang halimbawa ng katapatan at malasakit sa kapwa ang muling ipinamalas sa SM City Mindpro, Zamboanga City, matapos matagpuan at maisauli ang isang nawawalang gintong pulseras na may diamante na tinatayang nagkakahalaga ng PHP 1.5 milyon.
Naganap ang insidente noong Linggo, Hulyo 6, 2025, bandang 1:20 ng hapon sa tapat ng Entrance 5, Level 3 ng nasabing mall. Habang naka-duty, napansin ni Security Guard Francisco Dialogo ng Topwatch Corporate Security Services Inc. ang isang alahas na naiwan sa lugar. Agad niya itong isinuko sa Customer Relations Services (CRS) Office para sa tamang pag-aasikaso.
Makalipas lamang ang ilang sandali, isang babaeng customer ang nagtungo sa CRS office upang itanong ang tungkol sa nawawala niyang pulseras. Matapos ang masusing beripikasyon ng mga personnel ng CRS, nakumpirmang siya nga ang tunay na may-ari ng alahas at ito’y agad na naisauli sa kanya.
Lubos ang pasasalamat ng nasabing customer kay SG Dialogo at sa pamunuan ng SM City Mindpro sa kanilang katapatan at mabilis na aksyon upang maibalik ang kanyang mahalagang gamit.
Ang insidenteng ito ay patunay ng patuloy na pagtutok ng SM City Mindpro sa pagpapahalaga sa integridad, propesyonalismo, at tunay na malasakit sa kanilang mga bisita. Bahagi ito ng programang "Good Deeds" ng SM, na nagbibigay-pugay sa mga kuwento ng katapatan at mahusay na serbisyo sa lahat ng SM malls sa bansa.