13/10/2025
💬 “Huwag Basta OMG!
📖 Exodo 20:7
“Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat ang Panginoon ay hindi pawawalang-sala ang sinumang bumabanggit ng Kanyang pangalan sa walang kabuluhan.”
Sa makabagong panahon, mabilis na rin ang takbo ng ating komunikasyon. Nariyan ang mga shortcut o instant messages sa ating mga text at chat.
Madalas nating ginagamit ang mga salitang tulad ng LOL (laughing out loud) o BTW (by the way).
Ngunit nakalulungkot isipin na maging ang salitang “Oh my God” (OMG) ay nagiging karaniwang ekspresyon na lamang kapag tayo ay nagugulat o nabibigla.
Minsan pa nga, dahil sa pagmamadali ng pagta-type, “god” (small letter g) ang nailalagay, na kung iisipin ay tila tumutukoy na sa diyos-diyosan at hindi sa tunay na Diyos.
Bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat basta-basta nagsasabi ng ganitong mga salita.
Ang pangalan ng Diyos ay banal, at hindi ito dapat gamitin sa mga pabigla, pabirong, o di-sersyosong paraan — maging sa salita, mensahe, o kahit sa text at social media.
Sa Mateo 6:9, nang ituro ni Hesus sa Kanyang mga disipulo kung paano manalangin, pansinin nating ang una Niyang binigkas ay:
“Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan Mo.”
Meaning to say, espesyal at sagrado ang pangalan ng Diyos. Sakop nito ang Kanyang likas na kabutihan, kapangyarihan, katangian, at moral na awtoridad.
Kapag binabanggit natin ang pangalan ng Diyos, tayo ay tumatawag sa Manlilikha na nagbibigay-buhay sa atin at sa buong sangkatauhan.
Kaya’t dapat itong gawin nang may kabanalan at banal na paggalang. Sa anumang paraan — sa salita man o sa text, messenger na mensahe — igalang at pangalagaan natin ang pangalan ng Diyos.
👉 Maging maingat tayo, mga minamahal.
Huwag nating hayaang maging karaniwan o biro na lamang ang pagbanggit sa banal na pangalan ng Diyos.
Sa halip, gamitin natin ito nang may pag-ibig, respeto, at takot na may kabanalan.
Thank you for reading and God bless!🙏