
17/06/2025
Mao ngay-an ini si Julio "Jojie" Evardone...Kilal-on ta daw ini siya.
𝐓𝐮𝐊𝐔𝐋𝐀𝐒𝐢𝐧 𝐬𝐚 𝐢𝐤𝐚-𝟏𝟎𝟕 𝐧𝐠 𝐔𝐄𝐏, 𝐚𝐥𝐚𝐦 𝐧𝐢𝐲𝐨 𝐛𝐚 𝐢𝐭𝐨?
Noong 1997 hanggang 1999, isang makasaysayang yugto ang isinulat sa kasaysayan ng University of Eastern Philippines (UEP) sa pamamagitan ni Julio Evardone, ang kauna-unahang Student Regent ng unibersidad. Siya ang naging tanging kinatawan ng mga mag-aaral, isang pananagutang kanyang pinangatawanan sa loob ng dalawang magkasunod na termino.
Bilang isang estudyante, na kumukuha ng Bachelor of Arts in Politicial Science, agad niyang pinatunayan na ang kabataan ay hindi hadlang sa pamumuno at pag-unlad. Sa halip, ito’y mahalagang tinig ng pagbabago at makabagong pananaw.
Sa kaniyang panunungkulan, ipinaglaban niya ang mga pinansiyal na pangangailangan ng mga mag-aaral. Sa tulong ng masigasig na pakikipag-ugnayan sa administrasyon, ilang mahahalagang polisiya ang naipasa, kabilang na ang makatarungang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin, na isinasaalang-alang ang kalagayang pinansyal ng mga estudyante.
Hindi rin niya pinabayaan ang kapakanan ng mga mag-aaral. Kabilang sa kanyang mga inisyatibo ang pagbibigay ng insentibo sa mga atletang kalahok sa SCUAA, pinansyal na tulong para sa mga estudyanteng naaksidente, at pagsasagawa ng mga leadership training, conventions, at ang pagkakaroon ng residenteng dentista para sa unibersidad.
Upang mapangunahan ang mga pangunahing insitusyong estudyante, isinulong niya ang fiscal autonomy ng University Student Council at The Pillar, layong mapalaya ang mga ito sa impluwensiyang administratibo at mapanatili ang kanilang operasyon.
Isa rin sa kanyang mga tagumpay ang pagbibigay ng student representation sa Library Board, matapos lumutang ang isyung hindi tumutugma ang pangangailangan ng kurso ang mga binibiling aklat. Sa kanyang mungkahi, isinama ang mga dekano at tagapangulo ng mga departamento sa proseso ng pagbili upang masiguro ang akmang resources para sa bawat programa.
Sa larangan ng imprastruktura at serbisyo, isinulong niya ang pagtatayo ng Gymnatorium, Samar Studies Center, at PWD access ramp sa College of Law. Kabilang din sa kanyang mga proyekto ang porgramang "Adopt-a-Park" ng mga sororities at fraternities, ang Battle of Campus Brains, at buwanang stipend para sa mga iskolar, mga hakbang na naglalayong suportahan at kilalanin ang husay at pangangailangan ng mga estudyante.
Hindi rin niya kinatakutan ang hamon ng fraternity wars at karahasan sa pagitan ng mga municipal student organizations. Sa halip na umiwas, kinompronta niya ang isyu sa pamamagitan ng dayalogo. Kinausap niya ang mga lider, at hinikayat ang kooperasyon sa mga pulong at aktibidad ng USC, at naging tulay sa mas mapayapang ugnayan sa hanay ng mga mag-aaral.
Para kay Evardone, ang pamumuno ay hindi lamang pagiging kinatawan. Ito ay ang kakayahang unawain ang tunay na pangangailangan at mithiin ng mga estudyante, talakayin ito kasama sila, at kumilos nang sama-sama upang makamit ang nararapat na solusyon.
Hanggang sa ngayon, nananatili si Julio Evardone bilang huwaran ng isang lider-estudyante, isang tinig ng kabataan na nagsilbing tulay ng pagbabago, at pamana ng lideratong nakaugat sa serbisyo at malasakit. ¶
Verbo: Jenchor Tenedero
Lapat ni Ayessa Mae Esquillo