
25/08/2025
๐๐๐๐๐๐๐ || ๐๐๐ก๐๐ญ ๐๐ ๐ง๐ ๐๐๐ฒ๐๐ง๐ข ๐๐ฒ ๐๐ข๐๐๐ซ ๐จ ๐๐๐ก๐๐ญ ๐ง๐ ๐๐ข๐๐๐ซ ๐๐ฒ ๐๐๐ฒ๐๐ง๐ข?
Habang nakahiga ako sa aking malambot na kutson at bukas ang bintana na dahilan upang pumasok ang malamig na ihip ng hangin ay tila akong nilulunod ng mga nakaraan. Kung kaya't sa halip na matulog na lamang sapagkat maghahating gabi na ay mas pinili kong buksan ang aking selpon, at tumambad sa akin ang isang poster na nagpapaalala na ngayong araw ay inilaan para sa mga bayani ng ating bansa.
Parang kidlat na tumama sa aking isipan at kulog na umalingawngaw ang mga salitang winika ng aming g**o noong nasa hayskul pa lamang ako: "Lahat ba ng bayani ay lider o lahat ng lider ay bayani?"
Sa kanyang tinig ay ramdam mo ang kanyang pananabik na masagot namin ang kanyang tila bugtong na katanungan, sapagkat lahat kami ay napaisip. Hanggang sa sumagi sa aking isipan si Andres Bonifacio, ang tinaguriang ama ng katipunan, isa siyang magiting na lider na nagpasimula ng pag-aaklas laban sa mga Espanyol. Bukod pa riyan, andiyan rin ang mag-asawang Silangโsina Diego Silang at Gabriela Silangโkapwa nanindigan at namuno sa pakikipaglaban sa digmaan para sa ating kalayaan. Napagtanto ko ring isang lider na may taglay na katapangan at prinsipyo ang namuno sa ating mga sundalong Pilipino na si Heneral Antonio Luna. Mula rito ay aking nahinuha na ang mga bayani nga ay siyang tunay na mga lider.
Kaya naman, nagkaroon ako ng lakas ng loob na sagutin ang tanong ng aming g**o. Sa panahong iyon ay parang may kung anong puwersa sa aking dibdib na nais kong kumawala at ang balikat ko ay tila nawala ang takot na baka mali ang aking masambit na sagot. Kaya naman, nang akma ko na sanang iaangat ang aking kamay ay may nauna sa akin. Kaya't tinawag siya at malakas na sinagot ang katanungan ng aming g**o: "Hindi po, Ma'am!"
Naguluhan ako sa kanyang winika, hindi ba't ang mga bayani ay may kakayahang mamuno? Ang mga ipinamalas ng mga bayaning Pilipino upang makamit natin ang kasarinlan ay nagpapakita na nagtataglay sila ng pagiging pinuno. Pinamunuan nila ang himagsikan at dahil dito ay nakamit natin ang pagiging malaya mula sa kamay na bakal ng mga mananakop.
Kaya naman ay hindi maipagkakailang sila ay mga matatapang at matatalino. Pero, sa halip na putulin ang pagsasalita ng aking kapwa mag-aaral ay mas pinili kong pabayaan siyang ipaliwanag ang kanyang nais ipahiwatig.
"Sa mga nangayayari ngayon, hindi lahat ng lider ay bayani,"panimula niya. Dahilan upang mas mapako ang atensiyon ko sa kanya.
Ang naisip ko ay marahil magkaiba kami ng kahulugan ng pagiging bayani. Hindi ba ang pagiging bayani ay patungkol sa may ginawa kang kagila-gilalas at nagpamalas ng paninindigan sa gitna ng kahirapang nagaganap. O hindi naman ay nagwagi ka sa iyong laban upang iligtas ang mga taong nangangailangan ng iyong tulong, hindi ba't kabayanihan iyon?
Hanggang sa nagpatuloy siya sa kanyang pagpapahayag. Doon ko napagtantong may punto ang kanyang binabanggit. Kung titingnang maigi ang kalagayan ng bawat mamamayan, lalo na sa katayuan ng Pilipinas, sapat bang tawaging bayani ang mga lider na namamahala sa ating bansa? Ito ang tanong na pumukaw sa akin upang mas tingnan ang mas malawak na konteksto ng kabayanihan.
Napaisip ako nang maigi at kung ihahalintulad ang mga kaganapan ngayon sa kasalukuyan, parang mas madaling sabihin hindi. Sapagkat, ang mga bayaning ating parating nailalarawan ay iyong mga taong nagbuwis ng buhay upang makamtan natin ang mga bagay na nais nating mapaghawakan at maranasan na walang may humahawak sa ating leeg. Ngunit ang mga lider na ating iniluklok na akala natin ay magbibigay ng parehong halaga sa kung paano namuno ang ating mga naunang bayani ay tila pagkukumpara sa dalawang bagay na lubhang magkaibang-magkaiba.
Ang Pilipinas na minsang pinaglaban ng mga bayani ay pinamamamahalaan ng mga lider na huwad ang pagkatao. Mga lider na nangakong maninilbihan sa publiko ngunit mas may paghalaga pa sa puwestong kanyang pagkakaluklukan at binabalewala ang mga taong bumuto sa kanya. Mga lider na animo'y kunehong inosente at may karunungang taglay sa pamumuno, ngunit isang lorong kinabisado lamang ang mga salitang nais marinig ng masa, samantalang ang mga tao ay pumapalakpak pa kahit ito ay isang palabas lamang pala.
Bukod pa riyan, ay may mga bayaning hindi naman talaga lider ngunit isang miyembro at kasapi lamang ng mamamayan at ng ating kumunidad. Sila na mas marapat pag-alayan ng karangalan kahit hindi lider sa posisyong tinanggap, ngunit ay mga namumuno ng sarili nilang tadhana upang makamtan ang maginhawang buhay para sa kanila at sa bawat mamamayan.
Ngayong araw ay para sa mga taong matatapang tulad ng ating mga bayaning nagbuwis ng buhay at ng mga nasa industriya ng medikal na buong tapang nakipaglaban noong panahon ng pandemya. Para sa mga taong araw-araw na gumigising upang maglingkod ng marangal, may integridad, at paninindigan. Para sa mga taong walang sawang pinanghahawakan ang katotohanan na siyang magbibigay ng laya at magsisilbing tinig sa mga taong binubusalan at pinipilit ipiit sa kadiliman.
Sapagkat ngayong araw ng nga bayani ay paggunita sa mga pambihirang taong nagpamalas ng kanilang taglay na kabayanihan, at ang pagiging bayani ay hindi nasusukat sa puwestong inuupuan mo, bagkus ay tumutukoy sa kung anong ginawa mo. โณ
Verbo ni Niรฑo Balawang | The Modem
Lapat ni Mariel Novio | The Modem