19/06/2026
𝙇𝘼𝙏𝙃𝘼𝙇𝘼𝙄𝙉 | 𝙄𝙗𝙖'𝙩 𝙄𝙗𝙖𝙣𝙜 𝙠𝙪𝙡𝙖𝙮, 𝙞𝙞𝙨𝙖𝙣𝙜 𝘽𝙖𝙝𝙖𝙜𝙝𝙖𝙧𝙞
"𝘿𝙞 𝙠𝙖 𝙨𝙖𝙮𝙖𝙣𝙜, 𝙙𝙞 𝙠𝙖𝙞𝙡𝙖𝙣𝙜𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙣𝙜𝙝𝙞𝙣𝙖𝙮𝙖𝙣𝙜" –𝘽𝙚𝙣 & 𝘽𝙚𝙣, 𝘿𝙞 𝙠𝙖 𝙨𝙖𝙮𝙖𝙣𝙜
Ang Pride Month ay hindi lamang isang simpleng selebrasyon, paalala ito na ang Pride ay nagsimula bilang protesta, mula sa mga taong tumindig laban sa diskriminasyon at sa sistemang matagal nang nagbubulag-bulagan sa kanilang karapatan. Hindi lamang ito tungkol sa kung sino ang minamahal, kundi tungkol sa karapatang mabuhay nang pantay. Patuloy ang laban—tuloy-tuloy ang pagtindig na walang tiyak na hangganan.
Dumating ang Hunyo na may dalang mga kulay. Makikita ang mga watatawat na sumasayaw sa hangin, maririnig ang mga tinig na matagal na ring naghihintay marinig, at mararamdaman ang saya ng mga taong sa wakas ay nakahinga ng maluwag. Ngunit sa likod ng makukulay na imahe, naroon ang paulit-ulit na pakikibaka—ang pagharap sa mundong matagal nang humuhusga, nagdududa, at nagtatangkang gawing mas maliit ang kanilang pagkatao. Ito ay hindi lamang pagdiriwang ng pagkakaiba kundi isang pag-alala sa mga patuloy na lumalaban at nakikibaka.
May mga kabataang natutong matakot bago pa man natutong maging totoo sa sarili, at ang takot na ito ay hindi basta emosyon kundi bunga ng mundong hindi pa rin pantay ang pagtingin at pagtrato. Sa araw-araw, may mga indibidwal na kailangang itago ang bahagi ng kanilang sarili habang pinapatunayan ang kakayahan, dahil alam nilang may mga pagkakataong hindi sapat ang galing kapag ang paghusga ay nakatuon sa kung sino sila imbes na sa kung ano ang kaya nila. At sa gitna nito, nananatiling laban ang pagkilala, ang paggalang, at ang espasyong hindi sila ginagawang mali sa pagiging sila—hanggang sa puntong ang tanong ay hindi na kung bakit sila nagtatago, kundi kung bakit hanggang ngayon, kailangan pa nilang magtago.
Walang dapat ituwid sa isang taong hindi naman nasira. Walang dapat baguhin sa isang pusong marunong magmahal. Dahil ang usapin ay hindi kung tama o mali ang damdamin, kundi kung bakit hanggang ngayon ay may mga hangganan pa ring nakikita sa kung sino lamang ang dapat tanggapin. Sa ilalim ng bahaghari, paano matatanaw ang mga tunay na kulay kung ang tangi nilang nakikita ay ang kulay itim dahil sa kawalan ng karapatan? Ang mga karapatang dapat sana’y hindi na ipinaglalaban—ang karapatan na makilala nang buo nang walang pagdududa. Ang mabuhay nang may pantay na pagtingin sa lipunang mabilis pumili kung sino ang may kulang. Ang magmahal o makasal sa ilalim ng batas nang hindi kailangang ipaliwanag, ipagiitan, o patunayan na ang kanilang pagmamahal ay kasing totoo ng iba. Nang hindi kailangang humarap sa mga tanong, pagdududa, at pagtutol bago kilalanin ang isang damdaming matagal nang nandirito.
Isang maligayang pagbati sa mga taong buong tapang nang ipinakilala ang kanilang sarili sa mundo, Maligayang pagbati rin sa mga taong hanggang ngayon ay natatakot at hindi pa kayang magsalita, isang maligayang pagbati sa mga taong patuloy pang hinahanap ang kanilang sarili, at isang maligayang pagbati sa mga patuloy na nakikibaka. Hindi mo kailangang magmadali. Ang mahalaga ay unti-unti mong natututunang yakapin ang sarili mong kulay.
Ang bahaghari ay hindi nabubuo sa iisang kulay lamang, nabubuo ito sa ibat ibang kulay na magkakasamang ipinaglalaban ang dapat ipaglaban. At tulad ng bahaghari, mas nagiging maganda ang mundo dahil sa pagkakaiba, kaya kung sakaling may magsabi muling “sayang”, sana ay maalala mong walang anumang nakapanghihinayang sa pagiging totoo. Sa mundong ito, maaaring magkakaiba man ang ating mga kulay, personalidad, o paniniwala lahat tayo ay bahagi ng iisang bahaghari. Sa likod ng bawat kulay ay mga kuwentong hindi magkakatulad—may mga pinatatahimik, may mga itinatago, may mga pinagkakaitan ng pagkilala, at may mga patuloy na ipinaglalaban ang mga karapatan. Magkakaiba man ang kanilang mga karanasan, iisa ang kanilang hangarin. Na makita, makilala, at igalang bilang tao. At hangga't may mga kulay na kailangan pang ipaglaban ang karapatang, mananatiling higit sa isang selebrasyon ang Pride Month. Isa itong protesta laban sa mundong patuloy na pumipili kung sino lamang ang karapat-dapat makita, marinig, at kilalanin. Sapagkat ang bawat kulay ng bahaghari ay hindi humihingi ng espesyal na pagtingin—hinihingi lamang nito ang mga karapatang matagal nang nararapat para sa lahat.
———————————————
𝙫𝙞𝙖 Jennexis Cabrigas
𝙙𝙞𝙨𝙚𝙣𝙮𝙤 𝙣𝙞 Neil Babon