24/10/2025
Bise Mayor ng San Isidro, Isabela sugatan matapos magpaputok ng baril at bugbugin ng mga nakainuman
Sugatan si Vice Mayor Artemio Tumamao Jr. ng San Isidro, Isabela matapos umanong magpaputok ng baril at bugbugin ng kanyang mga nakainuman sa Barangay Quezon noong Oktubre 22, 2025.
Ayon sa San Isidro Police, habang nag-iinuman ang opisyal kasama ang dalawang lalaki at isang SK chairman, tinanong umano ni Tumamao kung sino ang gustong maging bodyguard niya. Pagbalik mula sa sasakyan na may dalang baril, pinuna siya ng mga kainuman na nagdulot ng hindi pagkakaunawaan at pagpapaputok ng baril.
Dahil dito, pinagtulungan at binugbog siya ng mga kainuman bago maagaw ng SK chairman ang baril. Dinala si Tumamao sa ospital, habang ginagamot din ang mga nasugatang kasamahan. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa lisensya ng baril at sa insidente.