14/08/2025
Kickflip Kontra Kolonya, matagumpay na inilunsad: Skate event itinaguyod ang panawagan laban sa kolonyal na kultura, paglaya ng magkapatid na Banjawan
LAGUNA — Matagumpay na inilunsad ang Kickflip Kontra Kolonya, isang skate event na nagtipon sa mga manggagawang pangkultura at skaters upang itampok ang sama-samang pagkilos laban sa kolonyal na kultura at panghihimasok ng gobyerno ng Amerika sa Pilipinas. Pinangunahan ito ng Tambisan sa Sining – Timog Katagalugan, na naglatag ng mga aktibidad kultural at impormasyon hinggil sa isyu ng panunupil at militarisasyon sa mga komunidad.
Sentro ng panawagan sa pagtitipon ang pagpapalaya kay Fatima Banjawan, isang manggagawang pangkultura na inaresto noong Agosto 2, 2024 at kinasuhan ng illegal possession of fi****ms and explosives ng mga puwersa ng 85th Infantry Battalion Philippine Army habang nagsasagawa ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mga magsasakang kababaihan.
Kasabay nito, nanawagan din ang mga lumahok sa paglaya ni Pauline Joy Banjawan, isang community organizer ng Bayan Muna Partylist at kapatid ni Fatima. Kabilang sa kanyang mga itinulak na adbokasiya ang pagpababa ng presyo ng bigas, paniningil ng kompensasyon para sa mga biktima ng sakuna, at pagpapalayas sa Prime Water dahil sa umano’y perwisyong dulot ng pribatisasyon ng serbisyong patubig lalo sa mga komunidad ng maralitang lungsod. Ayon sa Bayan Muna Partylist Southern Tagalog (Bayan Muna ST), ang pag-aresto at pag-uusig sa mga community organizer ay nagpapahina sa demokratikong partisipasyon at karapatang magpahayag, lalo na ang mga sektor na nasa laylayan ng lipunan, na imbes na sagutin ang lehitimong kahilingan ng mamamayan ay red-tagging at panunupil ang agad ang isinasagot ng estado. Dagdag pa ng Bayan Muna ST, ipinalalaganap ng administrasyong Marcos ang ganitong panunupil para pagtakpan ang kapalpakan ng kaniyang pamamahala.
Binigyang-diin sa programa na ang panawagan para sa pagpapalaya sa mga bilanggong politikal at ang paglaban sa umano’y terorismo ng estado ay bahagi ng mas malawak na kampanya kontra kolonyal na kultura. Ayon kay Kallista Rivera, tapagsalita ng Tambisan sa Sining - Timog Katagalugan, "ang patakaran ng administrasyong Marcos sa panunupil ay nakapailalim sa kumpas ng U.S. Counterinsurgency Plan, ito ay malinaw na nagtataguyod ng kapaligiran para sa pandarambong sa likas-yaman ng Pilipinas—mula sa pagkamkam ng lupang ninuno ng mga katutubo, quarrying at pagmimina sa kabundukan, dredging sa mga karagatan at lawa, hanggang sa pagtatayo ng mga dam na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga komunidad." saad niya.
Sa buong maghapon, pinagsama ng Kickflip Kontra Kolonya ang skate sessions, kultural na pagtatanghal, at talakayan upang ipakita na ang kultura at sining ay mabisang kasangkapan ng paglaban. Ipinunto ng mga kalahok na ang kulturang kolonyal—na umano’y nag-uugat sa polisiya at impluwensiya ng Estados Unidos—ay naglilimita sa pambansang pagpapasya at nagbubunsod ng mga patakarang taliwas sa interes ng mamamayan.
Nagwakas ang programa sa panawagan para sa patuloy na pagkilos: pagpapalaya sa mga bilanggong politikal, pagwawakas sa kriminalisasyon sa mga nagsusulong pagpapaunlad sa kabuhayan ng taumbayan at tagapagtanggol ng karapatang pantao, at pagtataguyod ng mga polisiyang tunay na nakasentro sa serbisyong panlipunan, pangangalaga sa likas-yaman, at katarungan. Pinuri ng mga kalahok ang pagkakaisa ng komunidad ng skaters at mga manggagawang pangkultura bilang patunay na maaaring maging entablado ang lansangan—at ang skatepark—ng mga panawagang panlipunan.