23/05/2025
Ngayong araw, inaalala natin si Crispin "Ka Bel" Beltran sa okasyon ng ika-17 na taon ng kanyang pagpanaw.
Si Ka Bel ay isang tapat na lingkod-manggagawa. Bago pa man maitatag ang ating sentrong unyon, namuno na si Ka Bel sa mga unyon at pederasyon, at pinagkaisa sila sa mga labanan para sa sahod, trabaho, at karapatan.
Pagdating ng 1980, isa si Ka Bel sa mga unang tagapagtatag ng Kilusang Mayo Uno. Kasama ang mga naunang lider, pinagkaisa nila ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawa para labanan ang diktadurya. Noong 1987-2001, maihahalal bilang Tagapangulo ng KMU si Ka Bel, pagkatapos ng brutal na pamamaslang kay Rolando "Ka Lando" Olalia.
Si Ka Bel ay tunay na lingkod-bayan. Sa kaniyang pamumuno, dinikit niya ang mga manggagawa sa iba't ibang isyu ng bayan. Kinilala niya ang malaking tungkulin ng mga manggagawa na manguna sa mga paglaban ng mamamayan. Naging Tagapangulo siya ng Bagong Alyansang Makabayan mula 1993-1999.
Si Ka Bel ay makabayang mambabatas. Naging representante si Ka Bel sa ilalim ng Bayan Muna noong 2001 at 2004, at sa ilalim ng Anakpawis noong 2007. Sinulong niya ang mga batas para sa kagalingan ng mga manggagawa at ng buong bayan. Namuhay siya tulad ng mga ordinaryong mamamayan na kaniyang kinatawan, at tinutulan ang anumang porma ng kurapsyon sa pamahalaan.
Sa paggunita ng ika-45 na anibersaryo ng Kilusang Mayo Uno, balikan natin ang kabangyaman ng karanasan na iniambag ni Ka Bel sa militanteng kilusang paggawa. Alalahanin natin ang buhay ni Ka Bel - isang buhay na kumakatawan sa tunay, palaban, at makabayang prinsipyo ng ating Kilusang Mayo Uno.
Mabuhay ang alaala ni Ka Bel!
Mabuhay ang tunay, palaban, at makabayang unyonismo!
Tuloy ang laban para sa sahod, trabaho, at karapatan!