04/01/2026
BALIK-TANAW | KAWIT SHOOTING: Higit Isang Dekadang Sugat sa Alaala ng Bayan ng Kawit (Enero 4, 2013 - Enero 4, 2026)
Higit sampung taon na ang lumipas, ngunit nananatiling sariwa sa alaala ng marami ang madugong pamamaril na yumanig sa Barangay Tabon 1, Kawit, Cavite noong Enero 4, 2013.
Bandang alas-9 ng umaga, ang karaniwang tahimik na komunidad ay ginulantang ng sunud-sunod na putok ng baril. Sa loob ng humigit-kumulang 30 minuto, pitong katao ang nasawi at mahigit isang dosena ang sugatan matapos mag-amok ang isang armadong lalaki na walang piniling biktima; bata, matanda, buntis, alagang hayop, at mga ordinaryong mamamayang abala lamang sa pang-araw-araw na gawain.
Kabilang sa mga nasawi ang pitong taong gulang na si Michaella Andrea Caimol, isang buntis na si Rhea de Vera at ang tatlong taong gulang niyang anak, mga vendor sa talipapa, isang tricycle driver, at iba pang inosenteng residente. Isang a*o rin ang napatay sa gitna ng walang habas na karahasan.
Mula sa mga eskinita hanggang sa mga tahanan at talipapa, iniwan ng pamamaril ang bakas ng takot, dalamhati, at galit. Ang mga lugar na dati’y simbolo ng simpleng pamumuhay ay naging saksi sa isa sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan ng bayan ng Kawit.
Napatigil lamang ang pamamaril nang dumating ang mga pulis at mauwi sa engkwentro na ikinamatay ng gunman. Isang umano’y kasabwat ang kalauna’y naaresto at hinarap ang sunud-sunod na ka*ong kriminal.
Ngunit higit pa sa mga pangalan at bilang ng biktima, ang Kawit shooting ay nag-iwan ng malalim na sugat sa pamayanan, mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, mga batang lumaking may trauma, at isang bayang patuloy na naghihilom.
Mga biktimang patuloy na inaalala at pinagdarasal ng mga Kawiteño:
• Michaella Andrea Caimol, 7
• Rhea de Vera, 34 (buntis)
• John Monica de Vera, 3
• Alberto Fernandez, 55
• Irene Funelas, 40
• Al Orio, 20
• Boyet Toledo, 44
• Adoracion Cabrera (umano'y tinamaan ng ligaw na bala mula sa kapulisan, ayon sa ulat)
Sa bawat anibersaryo ng trahedyang ito, muling binabalikan hindi upang buhayin ang takot, kundi upang igalang ang mga buhay na nawala at ipaalala ang kahalagahan ng kapayapaan, malasakit, at pagbabantay laban sa karahasan.
Taon man o dekada ang lumipas, ngunit ang aral ay nananatili, na ang buhay ay sagrado, at ang alaala ng mga biktima ay hindi kailanman dapat mabura.