01/09/2026
BANTAY BALITA I AN OPEN LETTER TO GOVERNOR PAMELA BARICUATRO
Dear Gov. Pam Baricuatro,
Ako po ay isang ina. Isang ina na nawalan ng anak. Si Cyan. Baby pa lang po siya nung kinuha siya sa amin.
Isinusulat ko po ang sulat na ito hindi dahil sa galit. At lalong hindi ko po sinisisi ang doktor.
Gusto ko lang po linawin, Gov — hindi po ako galit. Hindi ko po sinisisi ang doktor o ang mga nurse na tumulong sa amin.
Alam ko pong ginawa nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya. Alam ko pong ginawa nila ang lahat sa kung ano lang ang meron sila sa ospital nung oras na yun. Nakita ko po yun. At nagpapasalamat pa rin po ako sa kanila sa pag-asikaso sa anak ko.
Ang akin lang po, Gov, kulang po talaga ang kagamitan. At hindi po kasalanan ng doktor yun.
May oxygen naman po sa Badian District Hospital. Meron po. Pero hindi po siya fast flow oxygen.
At Gov, sa kalagayan ng isang sanggol na nahihirapan nang huminga, na emergency na, hindi po sapat ang ordinaryong oxygen. Kailangan po ng fast flow. Kailangan po ng malakas at mabilis na daloy na kayang sumalo sa batang kinukulang na ng hininga.
Naranasan po namin yun, Gov. Nandun po yung oxygen, pero hindi po yun ang kailangan ng anak ko sa oras na yun. At dahil wala po nung fast flow na yun, kinailangan pa kaming i-refer, itakbo, ilipat sa ibang ospital habang si Cyan ay lumalaban at hirap na hirap na.
Kaya Gov, sana po balang araw, magkaroon na po ng Fast Flow Oxygen at Incubator ang Badian District Hospital. Kumpleto na sana. Hindi lang basta may oxygen, kundi yung oxygen na pang-emergency talaga. Yung oxygen na pang-baby. Para naman po, kahit papano, may laban ang mga susunod na sanggol. Para hindi na po kailangang ibyahe pa nang malayo habang nag-aagaw buhay.
Sana po hindi na maranasan ng ibang pamilya ang pinagdaanan namin.
At isa pa po, Gov, may isa pa po akong hiling.
Kung okay na po ang referral, sana po pagdating sa ospital, dun na lang po sana isagawa ang ibang test. Kasi emergency po.
Gov, sa totoo lang po, pag emergency na, bawat segundo mahalaga. Bawat minuto, buhay ang nakataya. Mahirap po para sa isang magulang na may malubha nang kalagayan ang anak, tapos kailangan pa pong magpabalik-balik para sa test na sana pwede naman na pong gawin pagdating mismo sa ospital. Para sana mas mabilis ang gamutan at hindi na po maantala.
At Gov, may isa pa po akong hiling na sana pakinggan niyo, para sa katotohanan at para sa kapayapaan ng isip ng bawat magulang na nawawalan.
Sana po, kung ano ang tunay na cause of death, yun po sana ang ilagay. Yung tama. Yung totoo. Yung base sa tunay na nangyari.
Gov, base po sa karanasan ko, iba po ang unang nilagay na dahilan sa papel ng anak ko. Iba po sa nakita at naramdaman namin. Naikorek naman po nung isang doktor, at nagpapasalamat po ako doon. Pero Gov, hindi po maalis sa isip ko ang duda. Duda na hanggang ngayon dala-dala ko at hindi ako pinapatulog.
Hindi ko po sinasabing may masamang intensyon ang sinuman. Ang akin lang po, sana mas maging maayos at masusi ang pag-assess. Lalo na sa mga baby. Para malinaw. Para totoo. Para sa kapayapaan naming mga magulang na naiwan.
Kasi Gov, mahirap po para sa isang ina na nawalan na, tapos magdududa pa kung ano ba talaga ang nangyari sa anak niya.
Gov Pam, naniniwala po ako na may puso kayo para sa mga taga-Cebu. Naniniwala po ako na isa kayo sa makakaintindi sa sakit ng isang ina. Kasi babae rin po kayo. At alam ko pong may malasakit kayo.
Hindi ko na po maibabalik ang anak ko, Gov. Wala na po si Cyan. Pero kung sa pamamagitan ng sulat na ito, may isang Cyan pa ang maililigtas, may isang pamilya pa ang hindi na iiyak katulad namin, may isang ina pa ang hindi na matutulog na binabalot ng kalungkutan gabi-gabi — sapat na po yun sa akin.
Sana po mapansin niyo ang Badian District Hospital. Ospital po siya na maraming umaasa na taga South. Maraming buntis, maraming sanggol, maraming pamilya na doon lang umaasa dahil malayo ang Cebu City. Sana po matulungan niyo sila na maging kumpleto.
Uulitin ko po, Gov — hindi po ito paninira at hindi po ito paninisi sa doktor. Ito po ay pakiusap ng isang ina na nawalan, na sana gawing lakas ang sakit para makatulong sa iba at para mapabuti ang serbisyo para sa lahat.
Maraming salamat po, Gov Pam, kung mababasa niyo ito. Maraming salamat po kung mabibigyan ng pansin.
Umaasa pa rin po sa kabutihan at sa pagbabago,
Isang Ina na Nagmamahal Pa Rin Kay Cyan,
Taga Badian, Cebu
SOURCE : https://www.facebook.com/share/p/1Dpp6c7VRN/