04/08/2026
𝗙𝗘𝗔𝗧𝗨𝗥𝗘 | 𝗪𝗜𝗞𝗔 𝗔𝗧 𝗞𝗨𝗟𝗧𝗨𝗥𝗔 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗙𝗜𝗟𝗜𝗣𝗜𝗡𝗢✨
Hindi siya g**o ng Filipino. Hindi rin siya makata o manunulat.
Isa lamang siyang matandang nagtitinda ng isda sa palengke, tangan ang isang banyerang puno ng huling biyaya ng dagat at isang wikang matagal nang naging bahagi ng kaniyang araw-araw na buhay.
Bago pa man sumikat ang araw, naroon na siya. Nakikipagtawaran, bumabati ng "Maayong buntag," at nagpapasalamat sa bawat kostumer na dumaraan.
Sa unang tingin, karaniwang eksena lamang ito. Ngunit sa pagitan ng bawat tawad, biro, at kamustahan, may kulturang tahimik na naipapasa.
Hindi man ito nakasulat sa aklat, ang palengke ay isa ring silid-aralan. Dito natututuhan ang paggalang sa nakatatanda, ang pagiging tapat sa hanapbuhay, at ang pakikipagkapuwa na hindi kailangang ipaliwanag sa salita.
Kapag sinabi niyang, "Sige lang, suki man ka," hindi lang siya nagbebenta ng isda. Nag-aabot siya ng tiwala—isang kaugaliang matagal nang kinagisnan ng mga Pilipino.
May mga salitang hindi kayang tumbasan ng anumang salin. Ang malasakit sa suki, ang hiya kapag hindi makapagbigay ng tamang sukli, at ang bayanihan kapag may kapwa tinderong nangangailangan ng tulong.
Ito ang mga salitang hindi lamang binibigkas. Isinasabuhay sila.
Sa panahon ngayon, mas mabilis nang marinig ang iba't ibang banyagang wika. Hindi iyon masama, sapagkat bahagi iyon ng pag-unlad at pakikipagsabayan sa mundo.
Ngunit habang natututo tayong magsalita ng iba, sana'y hindi natin makalimutang pakinggan ang mga tinig na matagal nang bumubuo sa ating pagkatao—ang tinig ng magsasaka sa bukid, ng mangingisda sa dalampasigan, ng tindera sa palengke, at ng bawat Pilipinong marangal na namumuhay gamit ang sariling wika.
Sila ang mga taong bihirang mapunta sa mga aklat. Ngunit sila ang araw-araw na nagsasabuhay ng kulturang Pilipino.
Hindi man nila kabisado ang mga tuntunin ng balarila, kabisado nila ang wikang may paggalang. Hindi man sila nagsusulat ng tula, sila mismo ang nagiging tula ng ating kultura.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, hindi lamang natin ipinagdiriwang ang Filipino bilang asignatura o ang mga salitang nakalimbag sa diksyunaryo.
Ipinagdiriwang natin ang mga taong tulad niya—mga karaniwang Pilipinong sa bawat tawag na "Inday," "D**g," "Suki," o "Salamat," ay patuloy na binubuhay ang wikang hindi lamang nagsasalita, kundi nagkukuwento kung sino tayo bilang isang bayan.
𝘚𝘢𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵 𝘮𝘢𝘢𝘢𝘳𝘪𝘯𝘨 𝘬𝘶𝘮𝘶𝘱𝘢𝘴 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘪𝘯𝘵𝘢 𝘴𝘢 𝘮𝘨𝘢 𝘱𝘢𝘩𝘪𝘯𝘢 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘺𝘴𝘢𝘺𝘢𝘯, 𝘯𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢'𝘵 𝘮𝘢𝘺 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘗𝘪𝘭𝘪𝘱𝘪𝘯𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘴𝘢𝘴𝘢𝘭𝘪𝘵𝘢 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘱𝘶𝘴𝘰, 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘮𝘢𝘯 𝘮𝘢𝘮𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢𝘺 𝘢𝘯𝘨 𝘸𝘪𝘬𝘢 𝘢𝘵 𝘬𝘶𝘭𝘵𝘶𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘵𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘪𝘯𝘢𝘯𝘢.
🖋️ by Samantha Kim Dolor
🎨 by Venice Mae Anciano