23/07/2025
𝙎𝙬𝙚𝙧𝙤, 𝙃𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙣𝙖 𝘽𝙖𝙗𝙖𝙮𝙖𝙧𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙅𝙋 𝙍𝙞𝙯𝙖𝙡 𝙃𝙤𝙨𝙥𝙞𝙩𝙖𝙡
𝑻𝒂𝒕𝒍𝒐𝒏𝒈 𝑻𝒓𝒖𝒄𝒌 𝒏𝒈 𝑴𝒆𝒅𝒊𝒄𝒂𝒍 𝑺𝒖𝒑𝒑𝒍𝒊𝒆𝒔, 𝑫𝒊𝒏𝒂𝒍𝒂 𝒏𝒊 𝑮𝒐𝒃 𝑺𝒐𝒍
Calamba, Laguna (Hulyo 21, 2025) — Pinangunahan ni Gobernador Sol Aragones ang paghahatid ng tatlong truck na naglalaman ng mga gamot, laboratory kits, at iba pang medical supplies sa Jose Rizal Memorial District Hospital (JP Rizal Hospital) bilang bahagi ng kanyang patuloy na kampanya para sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Kasama ng gobernador sa kanyang pagbisita sina Dr. Petersan Uy, Medical Director ng JP Rizal Hospital; Dr. Eric Tayag, Consultant for Health ng Laguna; at Dr. Odie Inoncillo, OIC ng Provincial Health Office.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Gob Sol na hindi na kailangang magbayad ang mga pasyente ng IV fluids o swero kapag sila ay magpapagamot sa naturang ospital.
“Yung mga pupunta dito sa JP Rizal, hindi magbabayad ng swero,” pahayag ng gobernador.
Bukod sa pamamahagi ng suplay, personal ding ininspeksyon ni Gob Sol ang botika ng ospital at ang kanyang opisina sa loob ng pasilidad. Dito ay tinalakay niya ang pangangailangang rebisahin ang ilang patakaran kaugnay sa pamamahagi ng libreng gamot upang matiyak ang mabilis, maayos, at pantay-pantay na serbisyo.
Kasama ang medical team ng lalawigan, nangako si Gob Sol na magpapatupad ng mas epektibong sistema upang masigurong sapat, abot-kaya, at laging available ang mga gamot para sa mga nangangailangan.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng administrasyon ni Gob Sol na gawing libre, mas maayos, at abot-kamay ang serbisyong medikal, lalo na para sa mga kapus-palad na Lagunense na umaasa sa mga district hospital gaya ng JP Rizal para sa kanilang pangunahing pangangailangang medikal.
Via TALA CANDAZA