18/12/2025
DOH-CHD SOCCSKSARGEN nanawagan sa pagpapabakuna ng mga bata laban sa tigdas at rubella
Nanawagan ang Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) SOCCSKSARGEN sa mga magulang at tagapag-alaga na pabakunahan ang kanilang mga anak na may edad anim (6) hanggang limampu’t siyam (59) na buwan sa darating na Measles-Rubella Supplementary Immunization Activity (MR-SIA) na isasagawa mula Enero 19 hanggang Pebrero 13, 2026.
Isinasagawa ang Mindanao-wide MR-SIA bilang tugon sa pagtaas ng kaso ng tigdas sa ilang rehiyon sa Mindanao. Kabilang sa mga may pinakamataas na naitalang kaso ang Regions 9, 10, 11, 12, CARAGA, at BARMM. Sa SOCCSKSARGEN, lumagpas na sa alert threshold ang rehiyon na may 55 kaso kada isang milyong populasyon na naitala noong Nobyembre 8, 2025.
Ipinaliwanag ng DOH na ang MR-SIA ay non-selective, kung saan lahat ng batang sakop ng target age group ay bibigyan ng bakuna, anuman ang kanilang nakaraang vaccination status. Target ng kampanya na mabakunahan ang 451,250 bata sa Region XII, bilang bahagi ng 2.88 milyong bata na target sa buong Mindanao.
Libre ang bakuna at makukuha sa lahat ng barangay health centers, rural health units, fixed vaccination posts, at mga pansamantalang vaccination sites na itinalaga ng mga lokal na pamahalaan. Tiniyak ng DOH-CHD SOCCSKSARGEN na handa ang mga health worker at ipatutupad ang ligtas at dekalidad na pagbabakuna alinsunod sa itinakdang health standards.
Hinihikayat ng ahensya ang aktibong pakikiisa ng mga magulang, barangay officials, sektor ng relihiyon, paaralan, at iba pang sektor ng komunidad upang matiyak na walang batang maiiwan sa kampanya. Binigyang-diin ng DOH na ang tigdas at rubella ay maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon tulad ng pulmonya, matinding pagtatae, at kamatayan, ngunit epektibong naiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa pinakamalapit na health center o bisitahin ang opisyal na social media channels ng DOH-CHD SOCCSKSARGEN.