25/08/2025
Ngayong Araw ng mga Bayani, sama-sama nating ginugunita ang kabayanihan at sakripisyo ng mga dakilang anak ng bayan—mga bayani at martir na nag-alay ng kanilang talino, lakas, at buhay upang ipaglaban ang kalayaan, karangalan, at katarungan sa Pilipinas.
Sa araw na ito ay ating kinikilala ang kontribusyon ng mga bayaning nagtaguyod ng ating kasarinlan at pagkakakilanlan. Hinihimok din tayo na ating isabuhay ang mga aral at katangian ng ating mga bayani—tapang, integridad, at katapatan sa pamumuno at paglilingkod sa ating bayan—sa makabagong panahon.
Ito rin ay paalala na ang kabayanihan ay hindi lamang nakaukit sa mga pahina ng kasaysayan. Ito ay patuloy na nabubuhay sa puso ng bawat Pilipino—sa mga manggagawang patuloy na nagsusumikap; sa mga magulang na nagsasakripisyo para sa kinabukasan ng mga anak; sa bawat kabataang nangangarap at kumikilos para sa bayan; at sa mga sundalo na ibinubuwis ang buhay para sa kaligtasan ng lahat.
Ngunit higit sa lahat, ating pakatandaan na hindi natin kailangang humawak ng espada o sumabak sa digmaan upang maging bayani. Ito ay nakikita sa ating pagmamalasakit sa kapwa, pagtatanggol sa katotohanan, at patuloy na pagmamahal sa ating bansa. Sa iisang diwa ng pagkakaisa, bayanihan, at pagiging Pilipino na bumabalot sa ating pagkatao, tayo ay nagiging buhay na patunay na ang kabayanihan ay walang hangganan.
Kaya ngayong Araw ng mga Bayani, sama-sama nating ipangako na ipagpapatuloy natin ang laban ng ating mga ninuno: para sa katarungan, kapayapaan, kalayaan, at karangalan ng Pilipinas! Ipamulat natin sa mga susunod na henerasyon ang pagiging RESPONSABLENG MAMAMAYAN para sa mas maganda at maliwanag na kinabukasan.
Mabuhay ang ating mga bayani! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Caryn Quario
Pauline Manzano