16/11/2025
Natuklasan ng isang Chinese-led team ang kauna-unahang ebidensya na may nanoscale monazite crystals, isang bihirang uri ng mineral, sa loob mismo ng halamang Blechnum orientale (kilala rin bilang oak fern o “pakô-pakô”). Ito ang unang beses na nakita ang ganitong mineral sa loob ng halaman.
Karaniwan, ang monazite ay nabubuo lang kapag matindi ang init at pressure sa ilalim ng lupa. Mahalaga ito dahil naglalaman ng Rare Earth Elements (REEs) tulad ng cerium, lanthanum, at neodymium. Ang mga elementong ito ay ginagamit sa paggawa ng lasers, matitibay na coatings gaya ng nasa cellphone, electronics, magnets para sa wind turbines at electric cars, at mga materyales na kayang tumagal sa radiation.
Ayon sa Guangzhou Institute of Geochemistry, kaya pala ng halamang ito na gumawa ng monazite kahit nasa normal na kondisyon lang sa ibabaw ng lupa, walang matinding init o pressure. Dahil dito, lumalakas ang posibilidad ng phytomining, isang paraan ng pagkuha ng metal kung saan halaman mismo ang nagpapalabas o nag-iipon ng mahalagang minerals mula sa lupa.
Halimbawa ng phytomining:
• Ang ilang halaman sa Indonesia at New Caledonia ay kayang mag-ipon ng nickel hanggang maging kulay asul ang dahon dahil sa sobrang taas na concentration.
• May mga halaman na kaya ring mag-ipon ng gold particles mula sa lupa, kaya minsan ginagamit sila para ma-detect kung may gold deposit sa ilalim.
• May mga uri ng sunflower at water hyacinth na nakakapag-absorb ng toxic metals tulad ng lead at arsenic, kaya ginagamit sila sa paglilinis ng maruming tubig o lupa.
Sabi ng mga researcher, malaking tulong ang ganitong “green method” dahil:
• Hindi ito nangangailangan ng malalaking hukay o pagsira ng bundok.
• Mas mababa ang polusyon.
• Mas kaunti ang epekto sa komunidad at kalikasan.
• Hindi nakadepende sa geopolitically sensitive na mining areas kung saan may tensyon o kakulangan sa supply.
Ipinapakita ng pag-aaral na ang kalikasan mismo, sa simpleng halaman, ay may potensyal na gumawa ng mga mineral na dati ay iniisip nating puwedeng mabuo lang sa ilalim ng lupa.
Reference:
He, L., et al. “Discovery and Implications of a Nanoscale Rare Earth Mineral in a Hyperaccumulator Plant.” Environmental Science & Technology, 2025. DOI: 10.1021/acs.est.5c09617