09/04/2025
Mga ka-Bangsamoro,
Isa ito sa dapat natin tignan sa pag-pili ng kandidato. Kung limpak limpak na salapi ang ginagasto ng mga yan para lang manalo sa election, malaki ang posibilidad na babawiin niya rin ito o higit pa, kung siya ang nahalal.
Isipin mo ‘to: Isang kandidato ang naglalabas ng tatlong TV ads sa isang araw. P1 milyon agad ang gastos. Isang buwan pa lang ng kampanya, mahigit P30 milyon na ‘yan. ‘Di pa kasama ang billboard, social media ads, paid influencers, at political rallies na may free food at artista.
Ngayon, itanong natin: Saang bulsa nanggagaling ang perang ‘yan? At paano ‘yan babawiin?
Sabi nga ni Vico Sotto, “Ang malaki gumastos sa kampanya ay mas malaki pa ang babawiin.” Simple lang ‘yan—kung milyon-milyon ang puhunan, dapat milyon-milyon din ang balik. Pero paano babawiin? Malamang, hindi sa sariling ipon. Hindi rin galing sa bulsa ng politiko kasi karamihan sa kanila, ‘di naman tunay na negosyante. So, saan?
Sa budget ng gobyerno. Sa taxes. Sa kickbacks sa projects. Sa overpriced contracts. Sa “commission” na padulas ng malalaking negosyante. At sino ang nagbabayad sa lahat ng ‘yan? Tayo.
Ang mas malala? Ang parehong politiko na wagas kung mag-ads ng kanilang pagmamahal sa bayan ay siya ring unang tumatahimik pag may anomalya. Sila rin ang nagbibingi-bingihan sa taas ng presyo ng bilihin, habang ikaw, namamahalan na kahit sa sardinas.
Kaya isipin natin:
1. Kung isang kandidato ay gumagastos ng milyon kada araw, hindi ba dapat nating itanong saan siya kumukuha at paano niya babawiin?
2. Kung tunay silang nagmamalasakit sa mahihirap, bakit ang daming nagugutom pero ang daming perang pang-TV ads?
3. Kung may matinong gobyerno, bakit ang kailangan nating piliin ay kung pagkain sa mesa o pamasahe sa trabaho?
Totoo, “The truth hurts.” Pero mas masakit ang realidad—na paulit-ulit tayong niloloko, at ang puhunan nila para sa kapangyarihan ay mula sa pawis at dugo ng bayan.
Huwag tayong makisabay sa cycle ng panggagantso. Sa susunod na eleksyon, piliin ang hindi magnanakaw.
Data source: https://pcij.org/2025/05/09/8-senate-bets-air-tv-radio-ads-worth-at-least-p1b/