20/08/2025
Ama at Madrasta ng 7-Anyos, Inaresto sa Pangasinan Kaugnay ng Karumal-dumal na Krimen
Nayanig ang Pangasinan matapos matagpuan ang katawan ng isang 7-anyos na batang babae sa baybayin ng Bonuan Gueset, Dagupan City noong Agosto 15.
Ang biktima, isang Grade 2 student mula Barangay Bantog, Asingan, ay naiulat na nawawala noong Agosto 14 matapos sapilitang isakay sa isang Toyota Fortuner sa tapat ng kanilang bahay. Kinagabihan, natagpuan ng mga mangingisda ang katawan ng bata sa tabing-dagat, na may tatlong hiwa sa leeg ayon sa medico-legal examination.
Kinilala ng mga awtoridad na ang mga pangunahing suspek ay mismong ama at madrasta ng biktima. Ayon kay Police Lt. Col. Lawrence Keith Calub ng Dagupan City Police Station, nahuli ang dalawa sa Sison, Pangasinan matapos kilalanin ng mga testigo at iugnay sa nirentahang Fortuner na ginamit umano sa krimen.
“Nakikita natin na motive dito is vengeance… about ito sa support, misc4rriage, post-partum effects… pero ang nakikita natin is paghihiganti,” ani Calub.
Samantala, nanindigan ang ina ng biktima na hindi siya titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable sa pagkamatay ng kanyang kaisa-isang anak.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, maaaring kaharapin ng ama at madrasta ang kasong parricide at murder dahil sa brutal na paraan ng pagkamatay ng bata, at posibleng kidnapping dahil sa sapilitang pagkuha sa kanya mula sa bahay. Kung mapatunayang guilty, maaari silang mahatulan ng reclusion perpetua o habang-buhay na pagkakakulong.
Patuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang pagsusuri sa sasakyan, medico-legal results, at testimonya ng mga saksi.